On
Ang Sentrong Pangkultura ng Filipinas o Cultural Center of the Philippines (CCP) ang pambansang sentro sa paglinang ng kultura at sining pagtatanghal sa Filipinas.


Nilikha ito sa bisa ng Executive Order 30 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos noong 1966. Pormal na pinasinayaan ang CCP noong 10 Setyembre 1969 sa pamamagitan ng halos tatlong buwang pagdiriwang na tinampukan ng pagtatanghal ng epikong Golden Salakot: Isang Dularawan.


Ginawang pampublikong korporasyon ang CCP ayon sa Presidential Decree No. 15 na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong 15 Oktubre 1972. Sa kasalukuyan, ito ay nakapailalim sa Opisina ng Pangulo ng Filipinas at kabílang sa kaanib na ahensiya ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at Sining.


Pangunahing tungkulin ng Cultural Center of the Philippines ang pagtataguyod at paglinang ng kultura at sining ng Filipinas. Layunin ng CCP ang pagtatatag ng isang pambansang tanghalan, pambansang bulwagan ng musika, tanghalan para sa sining biswal, at iba pang pasilidad na maaaring gamitin sa pagpapaunlad ng sining. Saklaw din ng institusyong ito ang paglinang ng talento ng mga artista, pagpapalaganap ng kulturang pambayan, at pag-oorganisa ng mga grupong pangkultura.


Ang CCP ang permanenteng tahanan ng Tanghalang Pilipino, Ballet Philippines, Philippine Ballet Theater, The Ramon Obusan Folkloric Group, at Bayanihan Philippine Folkloric Group.


Kinakatawan naman ng sining sa musika ang mga grupong Philippine Philharmonic Orchestra, UST Symphony Orchestra, Philippine Madrigal Singers, at National Music Competitions for Young Artists Foundation (NAMCYA).


Itinataguyod ng CCP ang pagpapalaganap ng edukasyong pangkultura sa buong bansa sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga kumperensiya, workshop, at eksibisyon sa iba’t ibang probinsiya at rehiyon.


Matatagpuan sa tinatawag na CCP complex ang iba’t ibang tanghalan, bulwagan, galeri, at museo. Kabílang dito ang Tanghalang Nicanor Abelardo, Tanghalang Aurelio Tolentino, Tanghalang Francisco Balagtas, Tanghalang Huseng Batute, Tanghalang Manuel Conde, Bulwagang Juan Luna, Bulwagang Fernando Amorsolo, at ang CCP Museum.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: