On
Ang kundíman ay isang uri ng awit ng pag-ibig ng mga Tagalog. Sinasabing ang termino ay nagmula sa pinaikling pariralang “kung hindi man.” Ang salita ay maaari ring tumukoy sa bilis ng musika, gaya halimbawa ng awit na “Ako’y Isang Ibong Sawi” ni Juan Buencamino na nasa tiyempong kundiman. Bilang awit, karaniwang inuuri ito sa dalawa: awiting makabayan at awit ng pag-ibig. Maaari rin itong likhain sa dalawang tunugan, mayor at menor.


Nagsimula ang kundiman bilang isang payak na awit, at tinatawag itong katutubong kundiman. Karaniwang sinasaliwan ito ng gitara, tulad sa harana. May itinuturing na mataas na antas ng kundiman, iyong aral ang estruktura at may manipulasyon sa himig at armonya. Magkatulad ang trato sa mismong awit at saliw na musika na karaniwang piyano.


Nagsimulang itaas ang antas ng kundiman nang likhain ang mga klasikong halimbawa nito tulad ng “Anak Dalita” ni Francisco Santiago at “Nasaan Ka Irog” ni Nicanor Abelardo.


Ang pinakapopular na kundiman sa kasalukuyang panahon ay ang “Bayan Ko” na may titik na isinulat ni Jose Corazon de Jesus at musikang nilikha ni Constancio de Guzman.


Sa di-iilang pagkakataon, ang awit ng pag-ibig na ito ay nagiging awit para sa Inang Bayan. Karaniwan, mababasa sa mga titik ng kundiman ang marubdob na paghingi ng pagmamahal ng isang binata sa inaasam nitong mutya. Ang ganitong sitwasyon ay nakakatulad ng paghingi ng lingap at kalinga sa bayan ng mga nakikipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas.


Ang pagpapahayag ng pagmamahal sa bayan ay maaaring lantad o mapagpahiwatig. Kabilang sa itinuturing na makabayang kundiman ang “Bayan Ko” at “Kundiman” ni Bonifacio Abdon. Maidaragdag dito ang ilang makabagong kundiman gaya ng “Lupang Tinubuan” ni Felipe de Leon at “Lupang Hinirang” ni Restituto Umali.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: