Ano ang awit?
Ang awit ay pangkalahatang tawag sa kanta o musikang pamboses. Sangayon sa isang matandang diksiyonaryo maraming inabutang awit ang mga mananakop na Espanyol.
Kabílang dito ang diyona (para sa kasal at iba pang pagdiriwang), talingdaw (lumang awitin), indolanin (may malungkot na himig), dolayanin (awit hábang nagsasagwan), hila (awit sa pamamangka), soliranin (awit sa paglalakbay sa karagatan), holohorlo (awit sa pagpapatulog sa sanggol), at iba pang anyong pampanitikang may himig, na maihahambing ngayon sa ablon ng dumagat, bayok ng Maranaw at Mansaka, darangan ng Maranaw, at ogayam ng Kalinga.
Sinasabi na may awit ang mga Filipino sa bawat okasyon ng kanilang buhay at sa lahat ng kanilang gawain komunal.
May awit sa pag-aalaga ng sanggol, may awit sa kasal, may awit sa pagsasaka at pangingisda, may awit sa pangangaso, at may awit sa patay.
May mga awit ding gaya ng pamatbat na pasalaysay tungkol sa kaugalian at kasaysayan ng tribu. May awit na sagutang gaya ng talingdaw at may awit na masayang gaya ng seryeng Doon Po sa Amin.
Nitong ika-19 siglo, awit din ang tawag sa isa sa dalawang naging popular na anyo ng metriko romanse. Ang isa pa ay tinatawag na korido.
Kapuwa mahabang tulang pasalaysay hinggil sa mga nakagigilalas na pakikipagsapalaran ng mga prinsipe at kabalyero o mga buhay ng banal na tao ang awit at korido. Nagkakaiba lamang ang dalawa sa sukat ng taludtod nito. Ang korido ay may sukat na wawaluhin at ang awit ay lalabindalawahin.
Hanggang ngayon, tampok ang awit sa mga kasayahan at pagtitipon katulad ng kasal at kaarawan. Maaari rin itong maging tampok na aktibidad para sa kasiyahan ng mga iginagalang na bisita.
Maaari itong awitin ng propesyonal, para sa mga pormal at malalaking pagtitipon. Ngunit sa di gaanong pormal na pagtitipon, halimbawa ay simpleng kasal at kaarawan, ang mismong ikinakasal ang gumagawa nito upang mabigyan sila ng gala na siyang salaping regalo ng mga kaanak at kaibigan.
Kung kaarawan ang okasyon, ang nagpapasimula nitó ay maaaring makihati sa regalong ibinibigay sa nagdiriwang ng kaarawan.
“Ang salitang “”awit”” ay tumutukoy sa paglapat ng tinig o boses sa isang tono. Maaari itong isagawa nang acapella o nang may kasamang tugtugin. Isa itong anyo ng musikang naghahatid ng samu’t saring damdamin at karaniwang may nakapaloob na mensahe. Kalimitan itong nahahanay sa iba’t ibang mga genre tulad ng pop, rock, jazz, R&B at iba pa.
Bukod dito, naging bantog din ang paggamit sa salitang ito bilang isang kolokyal na pahayag. Isa itong pagpapaikli ng pangungusap na, “”Aw, sakit!”” kung kaya naman madalas itong sambitin matapos makarinig ng balitang hindi kaaya-aya. Awit!
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang awit? "