Korido
Ang isa pang sanga ay tinatawag na awit. Nagkakaiba ang awit at korido sa sukat ng taludtod. Wawaluhin ang sukat ng korido samantalang lalabindalawahin ang awit. Pinakamagandang halimbawa ngayon ng korido ang Ibong Adarna at obra maestra naman sa awit ang Florante at Laura ni Balagtas.
May dalawang paliwanag tungkol sa pinagmulan ng salitâng korido. Maaaring distorsiyon ito ng salitâng Espanyol na occurido na nangangahulugang “pangyayari.” Sa diksiyonaryo naman, ang corrido ay may kahulugang balada, isang masayang kanta sa saliw ng gitara, sa estilong fandango.
Sa Bikol at Pampanga, ang terminong korido ay parehong ginagamit na katumbas ng korido at awit sa Tagalog. Sa mga karaniwang mamamayan ng Pampanga, laganap din ang paggamit ng kuriru. Sa Iloko, ginagamit naman ang panagbiag na ang kahulugan ay “buhay.”
Hindi matiyak kung kailan at kung paano talaga nakarating sa Filipinas ang mga metriko romanse. Ngunit may hinuha si Vicente Barrantes, na ipinahayag niya sa kaniyang El Teatro Tagalo, na dinala ng mga sundalo ni Legaspi ang mga tulang pasalaysay na ito mula sa Mexico.
Sa simula, maaaring lumaganap ito sa paraang pasalita, at nang mas panatag na ang sitwasyon sa mga nasakop na lugar ay kumalat na rin ang mga limbag na anyo ng ganitong uri ng akda. Ipinapalagay din na unang nailimbag ang mga awit at korido bago matapos ang siglo 18 kung ibabatay sa kasaysayan ng pagsulat ng mga kilalang mangangathang tulad nina Jose de la Cruz, Francisco Baltazar at Ananias Zorilla. Ang mga naging popular na awit at korido ay itinanghal din bilang mga komedya.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Korido "