Marcelo Q. Adonay
Kilalang musikero sa pagtatapos ng siglo 19, si Marcelo Q. Adonay (Marsélo Kyu Adónay) ay isang kompositor, organista, direktor pangmusika, at guro.
Noong 1856, walong taon lamang si Adonay nang dalhin siyá ng kaniyang tiyuhin sa Maynila upang
pag-aralin sa kumbento ng Simbahang San Agustin. Sa kumbento ay pormal niyáng natutuhan ang pagtugtog ng piyano, organo, at kaalaman tungkol sa mga pangunahing tuntunin ng armonya.
Noong 1870, bukod sa pagiging organista ng Simbahang San Agustin, ay iginawad kay Adonay ang titulong “Maestro di Capella.” Ang responsabilad na ito ay ginampanan niyá hanggang 1914. Noon ding 1870 ay binuo niyá ang orkestra ng kumbento na may kabuoang 20-25 miyembro, bukod pa ito sa orkestra ng Katedral na lingguhan niyáng ineensayo.
Bukod sa mga gawaing pansimbahan, nagturo rin si Adonay sa mga paaralang Colegio de Santa Catalina, Colegio de Santa Rosa, Colegio de San Sebastian, at La Campañia de Jesus. Nagturo rin siyá ng solfeggio, armonya at komposisyon sa Centro de Bellas Artes.
Kinikilala si Adonay bilang prinsipe ng musikang pansimbahan ng Filipinas. Panrelihiyon ang tuon ng kaniyang musika, ngunit mayroon din siyáng mga likhang sekular na musika.
Narito ang ilang likhang musikang pansimbahan ng maestro:
- Benedictus, para sa tenor at orkestra;
- Libera Me Domine, para sa mga boses at doble bajo;
- Gazos a la Santissima Virgen (a Nuestra Sra. de la Consolacion), para sa koro at organo o harmonium;
- Gazos a la Santissima Virgen de Remedios, para sa koro at orkestra;
- Pequeña Misa Solemne sobre Motivos de la Missa Regia del Canto Gregoriano, para sa koro at orkestra;
- Rosario Difunto, para sa koro at maliit na orkestra;
- Salve Regina, para sa isang boses at piyano.
Narito naman ilang musikang sekular:
- Martsa, alay kay Anotnio Luna;
- Rizal Glorified, unang itinanghal noong 30 Disyembre 1911 sa Manila Grand Opera House para sa paggunita ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal (kinomisyon ang musikang ito ni Pablo Ocampo para sa nasabing okasyon);
- La Procesion de Turumba en Pakil, para sa banda at mga boses;
- Ang Querot ng Reuma, na nilikha niyá noong 1912 marahil bilang pag-aalaala sa sariling karanasan sa sakit;
- Tocata para sa organo, ibinigay niyá kay Col. Walter Loving nang dumalaw ang koronel sa kaniyang bahay at humingi ng orihinal na komposisyon para sa nabanggit na instrumento.
Noong 1983, bilang pag-alaala sa ika-135 kaarawan ni Maestro Marcelo Q. Adonay, ay nagtayo ng isang panandang paggunita sa Pakil, Laguna bilang pagkilala sa kontribusyon ng maestro sa pagpapayaman ng musikang pansimbahan ng Filipinas.
Ipinanganak siyá noong 6 Pebrero 1848 sa Pakil, Laguna at yumao noong 8 Pebrero 1928 sa kaniyang tahanan sa Malate, Maynila. Panganay na anak sa labing-isang magkakapatid. Ang kanyang mga magulang ay sina Mariano Adonay at Prudencia Quinteria na pawang magsasaka.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Marcelo Q. Adonay "