Gregoria de Jesus
Tinaguriang “Lakambini ng Katipunan,” si Gregoria de Jesus (Gre·gór·ya de He·sús) ang ikalawang asawa ni Andres Bonifacio at naging kasalo sa mapanganib na pagpapalaganap ng Katipunan at mga hirap sa panahon ng Himagsikang 1896. Hinangaan siyang uliran sa katapatan at tatag ng paninindigan.
Isinilang siya noong 9 Mayo 1875 sa Kalookan, at isa sa apat na anak nina Nicolas de Jesus, isang maestro karpintero at dating gobernadorsilyo ng Kalookan, at Baltazara Alvarez Francisco, isang tubong-Noveleta, Cavite at pamangkin ni Heneral Mariano Alvarez.
Naghinto agad siya ng pag-aaral at tumulong sa pangangasiwa ng kanilang palayan. Si Oriang, palayaw niya, ay lumaking maganda’t maraming manliligaw. Isa sa kanila at pinakamasugid si Andres Bonifacio.
Nakasal sila noong Marso 1893 sa Binondo at ninong si Restituto Javier. Labingwalong taon siyá at 29 si Andres. Ikinasal muli sila alinsunod sa ritwal ng Katipunan makaraan ang isang linggo at nagpatawag sa pangalang “Lakambini.” Ang unang watawat ng Katipunan ay tinahi niya at ng ninang niyang si Benita Rodriguez Javier. Makaraan ang isang taón, nagkaanak siya ng lalaki ngunit namatay sa bulutong.
Malaki ang papel ni Oriang sa pag-iingat ng mga lihim na papeles at dokumento ng Katipunan. Mabilis niya itong nalikom at naitakas nang minsang magsiyasat ang mga pulis Veterana sa kanilang pook. Nagaral siyang bumaril at mangabayo upang maging isang mahusay na mandirigma.
Nang sumiklab ang Himagsikang 1896, kasama siya ng asawa sa Balintawak at kabundukan. Nagkahiwalay silá sa Balara at muli lámang nagkita sa Naic, Cavite.
Pagkatapos paslangin ang Supremo, nasadlak siyá kung saan-saan hanggang nanirahan sa Pasig. Dito niya nakatagpo si Julio Nakpil, dáting kalihim ng Supremo at pinunò ng mga manghihimagsik sa Montalban at San Mateo, Rizal.
Ikinasal silá sa Quiapo noong 10 Disyembre 1898. nagkaroon silá ng walong anak ngunit anim lámang ang lumaki. Panahon ng pananakop ng mga Hapones nang mamatay si Oriang noong 15 Marso 1943 sa atake sa puso sa bahay ni Ariston Bautista sa Quiapo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Gregoria de Jesus "