Ninang, Ninong
Nagiging tila pangalawang ina o ama ng bininyagan, kinumpilan, o ikinasal ang kaniyang nínang o nínong. Kaya tinatawag ding “inaama” o “iniina.”
Inaasahan sa isang responsableng nínang o nínong ang pagbibigay ng patnubay sa inaanak, pagtulong kung kailangan, at lalo na kung maulila sa mga magulang. Dahil dito, kaugalian noon na hilinging maging nínang o nínang ang isang kamag-anak o totoong kaibigan ng magulang.
Bahagi ito, ayon sa mga sosyologo, ng sistemang kumpadre o compadrazgo na umiral sa panahon ng kolonyalismong Espanyol. Ang pagiging magkumpadre o magkumadre ay isang paraan ng pagpapalawak sa ugnayang magkamag-anak. Kapag naging matalik ang ugnayang magkumpadre ay halos magturingan silang magkapamilya.
Sa politika, isang paraan naman ito ng paglikom ng kapangyarihang pampolitika sa isang bayan o lalawigan. Naging palatandaan ng korupsiyon sa naturang kaugalian ang paghiling na nínang o nínong ang isang mayaman o makapangyarihan, kahit hindi kakilala, o ang pag-imbita sa napakaraming nínang at nínong sa isang binyagan o kasalan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Ninang, Ninong "