katedral ng maynila

Katedral ng Maynila


Ang tanyag na bahay-sambahan na ito ay itinayo hango sa istilong Neo-Romanesque na may mga modernong elemento. Makailang ulit itong naitayo at gumuho sa loob ng napakahabang kasaysayang ng pamanang istruktura.


Matapos makubkob ni Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila noong 1571, inilaan ang lupang kinatitirikan ngayon ng katedral ng Arkdiyosesis ng Maynila para pasimulan ang pagtatag at pagpapalaganap ng Katolisismo sa Pilipinas. Noong ika-6 ng Pebrero 1579, itinalaga ang simbahan bilang bahagi ng diyosesis ng Mexico. Kalaunan, naging isang ganap na Arkdiyosesis noong ika-14 Agosto 1595 batay sa kautusan ng Santo Papa Clemente VIII. Mula rito ay naging mahalagang pook ng Katolisismong Pilipino ang Katedral ng Maynila.


Ang istruktura ay makailang ulit nagiba at naitayo dulot na rin ng mga magkakahalong mga natural na kalamidad at mga sigalot na naganap sa loob ng ilang dantaon.


Dahil sa maraming mga makasaysayang kaganapan at mahalagang papel ng simbahan, kinilala ng Philippine Historical Research and Markers Committee (PHRMC) sa pamamagitan ng panandang pangkasaysayan ang Manila Cathedral noong 1934, sa panahong yaon, ikinabit sa ikapitong istruktura ang nasabing pananda.


Muling nawasak ang simbahan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at naitayo ang ikawalo at kasalukuyang istruktura sa pangunguna ng Arkitektong si Fernando Ocampo na mula sa Pampanga noong 1958 na sinabayan ng pagkabit ng panibangong panandang pangkasaysayan mula sa Philippines Historical Committee (PHC). Si Ocampo rin ay kilala sa pagiging bahagi ng muling pagtatayo ng Katedral ng San Fernando.


Ngayong Buwan ng mga Pambansang Pamana, magbabahagi ang NHCP ng ilan sa mga natatanging pamanang istruktura na kinikilala nito sa isang deklarasyon o kaya’y panandang pangkasaysayan. Para sa dagdag pang kaalaman, bisitahin ang National Registry of Historic Sites and Structures sa link na ito https://philhistoricsites.nhcp.gov.ph/


Pinagmulan: @nhcpofficial


Mungkahing Basahin: