Isang malaking eskultura ang retablo na karaniwang nakapahiyas sa likod ng altar ng mga lumang simbahang Katoliko. Mistula itong malapad na dingding, karaniwang yari sa kahoy, nahahati sa mga nitso na kinalalagyan ng mga imaheng relihiyoso, o mga palamuting relyebe.


May herarkiya sa pagpupuwesto ng lilok sa mga nitso. Depende ito sa kahalagahan ng bawat santo sa bayang kinatatayuan ng simbahan. Madalas na nasa gitna at pinakataas na bahagi ang santong patron ng bayan. Karaniwan namang nasa gilid at pinakamatataas na antas ng nitso ang mga santo ng ordeng panrelihiyon ng simbahan.


Natatangi ang mga retablong matatagpuan sa Pilipinas. Tulad ng mga modelong retablo sa Europa, malakas ang impluwensiya ng arkitekturang Baroko. Ngunit mahihiwatigan ang pag-iral ng katutubong talino sa naging mga disenyo at anyo ng pigura. Anupa’t isang pagsusuri ngayon ang naganap na pagsasanib ng Europeo at katutubo sa mga lumang retáblo.


Magandang suriin sa ganitong paraan ang mga detalye ng Retablo Mayor de Iglesia de Santa Cruz sa Maribojoc, Bohol, at ikompara sa Retablo Mayor de Iglesia de Santa Catalina de Alejandria sa Tayum, Abra, at sa iba pang retablo sa Pilipinas.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr