Pahiyas
Pahiyas
Ang pahiyas ay isang uri ng palamuti sa pista ni San Isidro Labrador tuwing ika-15 ng Mayo sa bayan ng Lucban, Quezon. Naging tawag na rin ito sa naturang pagdiriwang. Si San Isidro Labrador ay patron ng mga magsasaká kayâ pasalamat sa isang masaganang ani ang mga dekorasyong prutas, gulay, at pakô sa harapang dingding. Pangunahing pang-akit na palamuti ang kíping o pagkaing gawa sa giniling na bigas, hinuhubog na malalaking dahon at bulaklak, kinukulayan, at isinasabit sa paligid ng harapang bintana ng mga tahanan. Nagkakaroon din ng parada ng mga kalabaw na may hilang kareta o kariton ng mga ani ng magsasaká.
Sa Pulilan, Bulacan ang pista ni San Isidro ay tinatampukan ng parada ng mga kalabaw na may mga palamuting bulaklak, tunay man o gawa sa papel de-hapón. May mga kalabaw na tinuturuang lumuhod at nagiging pang-akit ng madla’t turista ang pagluhod ng mga ito sa gitna ng patyo ng simbahan.
Pinagmulan: NCCA Official via Flickr
No Comment to " Pahiyas "