Ang kariton (mula sa Espanyol na carreton) ay isang sasakyang panghakot, may gulong, at hinihila ng kalabaw, baka, o kabayo kung malaki, itinutulak o hinihila ng tao kung maliit.


Karaniwang gawa sa kahoy ang kariton. Bago nagkaroon ng mas mekanisado at matutuling anyo ng transportasyon sa Pilipinas, ang kariton ang pangunahing paraan upang dalhin ang mga kagamitan at ani sa pagsasaka.


Higit na marami itong karga kaysa kareta, at mas mabilis kapag may mahusay na daan. Sa kasalukuyan, may dalawang pista na may iisang ngalan ang gumugunita sa ganitong silbi ng kariton: ang Pistang Kariton sa Tupi, South Cotabato, at sa Licab, Nueva Ecija.


Pinapahiyasan ang mga kariton ng makukulay na katutubong materyales at ipinaparada. Nakatampok din ang kariton bilang sasakyan sa kuwentong ”How My Brother Leon Brought Home a Wife” ni Manuel Arguilla.


Sinundo sa pangunahing lansangan ang mag-asawang mula Maynila sa pamamagitan ng karitong hinihila ng kalabaw at sinubok ang ugali ng tagasiyudad na maybahay sa pamamagitan ng pagdaraan sa bako-bakong landas papunta sa bahay nina Leon.


Ibang-iba ang naturang tradisyonal na kariton sa makabagong gamit ng itinutulak na kariton o pushcart sa kalungsuran. Ang de-tulak na kariton ay karaniwang ginagamit ng mga


(1) bumibili ng lumang bote at diyaryo at nagdadala nito sa junkshop,
(2) naglalako ng prutas sa daan, tulad ng buko,
(3) tindero sa palengke, at
(4) namumulot ng basurang maaari pang may paggamitan.


Hindi rin pambihira na makakita ng mga dukhang pamilya, minsan ay kasáma pa ang mga alagang aso,  na ginagawang bahay ang kariton at palipat-lipat ng kalye, bangketa, o abandonadong lote.


Nitong nakaraang dekada, nagkaroon ng bagong pagtingin sa kariton bilang behikulo ng pagbabago, dahil sa ”kariton klasrum” ng Dynamic Team Company (DTC). Sa pamumuno ni Efren Peñaflorida, ginagamit ng mga boluntaryo ng DTC ang mga kariton upang makapagturo sa daan-daang bata sa mahihirap na lugar.


Dahil dito, noong 2009 ay ginawaran si Peñaflorida ng premyong CNN Hero of the Year mula sa Cable News Network, isa sa pangunahing estasyon ng balita sa telebisyon sa buong mundo.


Mula sa Cavite, ginagamit na ang mga kariton klasrum sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas at kahit sa ibang bansa. Isang pangkat ang nagtayo ng kariton klasrum sa bansang Kenya sa Africa.


Noong Enero 2012, inaprubahan ng Kagawaran ng Edukasyon ang kariton klasrum bilang plataporma ng Alternative Learning System nitó, at pinalawig na programa bilang ”K4” (kariton, klasrum, klinik, at kantin).


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: