Ang aso
Sa taksonomiyang siyentipiko, ang aso ay subspecies ng gray wolf (Canis lupus) na miyembro ng pamilyang Canidae sa order na Carnivora ng mamalya.
Ang domestikadong aso ngayon ay ipinalalagay na nagmula sa gray wolf mga 15,000 taon na ang nakararaan, bagaman may mga fosil ng domestikadong aso na natagpuan sa Siberia at Belgium na may edad na 33,000 taon.
Maaaring ang aso ang unang hayop na inalagaan at ginamit sa iba’t ibang gawain, mula sa panghuhuli ng ibang ilahas na hayop (“pangangaso” sa Tagalog), paghila ng mabigat na bagay, pagpapastol ng kawan, bantay kung gabi, at kasa-kasama sa bahay at paglalakbay. Kaya tinawag itong “Man’s Best Friend” sa Kanluran.
Ngayon, ginagamit itong patnubay ng may kapansanan, tagaamoy ng droga at anumang hinahanap ng pulisya. Espesyal din itong putahe sa ilang bansa, gaya sa tinatawag na “asusena” ng mga lasenggo sa Filipinas, sa kabila ng paghihigpit ng batas laban sa pagkain ng aso.
Sa mitolohiyang Griyego, si Cerberus ay isang aso na may tatlong ulo at bantay ng tarangkahan ng Hades. Sa mitolohiyang Filipino, si Kimat ay alagang aso ni Tadaklan, ang bathala ng kulog.
Ang aso ay sagisag ng katapatan sa Kristiyanismo. Sa Islam, ang aso ay tinitingnang marumi. Sa mga bansang Asyano, gaya ng Tsina, Korea, at Japan, itinuturing ang aso na tagapagtanggol.
May mga lahi ng aso na bantog sa tapang, gaya ng bulldog, at trabaho, gaya ng German Shepherd at Saint Bernard.
Pinakamaliit na aso ngayon ang Yorkshire Terrier, pinakamalaki ang English Mastiff, at pinakamataas ang Great Dane.
Dahil sa modernong paraan ng pagpapalahi ay nagkakaroon ngayon ng mga aso na iba-iba ang itsura at ugali. Ang sukat ng Chihuahua ay naglalaro sa anim na pulgada hanggang 2.5 talampakan.
Ang kulay ng Irish Woldhound ay naglalaro sa putî, abuhin, hanggang itim. May mga klinika ngayon para sa alagang aso. Ipinakabibilin ang pag-iingat na makagat ng aso. Kailangan ding pabakunahan ang alaga laban sa mga sakit at kamandag na naisasalin sa tao.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ang aso "