Baka
Inaalagaan ito para sa produktong gatas, karne, at balat na ginagawang katad, at para gamitin sa mga gawaing pambukid (tagahatak ng araro at kariton.)
Hanggang ngayon, may ganitong gamit pambukid ang mga baka sa rehiyong Ilocos at Pangasinan. Tinatayang may 1.3 bilyong baka sa buong mundo. Sa India, iginagalang ang putîng baka at pinag-uukulan ng mga seremonyang panrelihiyon.
Sa Ingles, cattle (ká·tel) ang pormal na tawag sa baka at cow (kaw) ang kolokyal. Ang cattle ay sinasabing mula sa matandang Pranses na catel at may orihinal na kahulugang naikikilos na ari-arian, gaya nga ng mga alagang hayop, at upang maiba ito sa mga di-maikikilos na ari-ariang gaya ng lupa o bukirin.
Ang cow ay mauugat sa ous ng wikang Indo-Europeo at ipinantutukoy sa mga hayop na bovid (gaya ng baka, bison, buffalo, oxen, atbp).
Ang modernong gamit ng cattle ay tumutukoy sa inaalagaang baka o ganado (livestock sa Ingles). Tinatawag na oxen ang lahing putî ang balát at higit na ginagamit sa gawaing pambukid.
Tinatawag na rantso (rancho sa Espanyol o ranch sa Ingles) ang pook na alagaan ng malaking bilang ng ganado. May mga rantso para sa malaking produksiyon ng gatas at may rantso para sa produksiyon ng karne.
Iniaayon din ngayon ang produkto ng rantso sa inaalagaang lahi ng baka. Dito nagsimula ang tawag na cowboy para sa mga tagapag-alaga ng baka sa rantso. Naging “koboy” sa Filipino ang cowboy at may kolokyal nang gamit bilang pang-uri sa tao na mahusay o mabilis makisama sa alinmang pangkat. Samantala, ang “rantso” ay ipinantawag din sa pangkat ng mga bilanggo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Baka "