Sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, tumutukoy ang indulhensiya (mula sa Espanyol na indulgencia) sa salaping kinokolekta ng mga fraile sa mga nasasakupan.


Kabayaran ito ay para sa pagiging midyum o tagapamagitan ng mga fraile ukol sa kaligtasan ng nasasakupan lalo na kapag namatay. Ipinalaganap ng mga fraile na ang panalangin ang pinakamabisang paraan upang mailigtas ang kaluluwa sa pagkahulog sa impiyerno at sila, bilang mga alagad ng Diyos, ang pinakamabisang tagapanalangin.


Kaya kailangan silang bayaran upang gawin ang serbisyong ito. Ang laki ng halagang ibinabayad ay batay sa laki ng kasalanang ginawa ng nagpapadalangin. Isa ito sa mga patunay ng pagmamalabis ng mga mananakop na fraile sa mga sinakop na katutubo.


Sa pangkalahatang doktrina ng Simbahang Katoliko Romano, ang indulhensiya ay tumutukoy sa buo o parsiyal na pagpapawalang-bisa sa isang kaparusahan dahil sa isang temporal na kasalanan.


Ibinibigay ito ng Simbahan kapag nangumpisal at humingi ng kapatawaran ang nagkasala. Kailangan ding magpakita ng kabutihan ang nagkasala sa pamamagitan ng mabubuting gawain at palagiang pananalangin.


Nakapaloob ang detalyadong mga doktrina tungkol sa indulhensiya sa papal bull na Indulgentiarum doctrina, na inilabas ni Papa Paul VI noong Enero 1, 1967.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: