Ang ningas kugon ay tumutukoy sa ugali na madaling panghinaan ng loob o mabilis maglaho ang sipag sa ginagawa. May literal na kahulugan itong panandalian at mabaligtaran ng matagalan.


Nagmula ito sa pangyayari na ang kugon ay mabilis masunog, lalo na kapag tag-init. Mabilis na nagsisiklab ang kugon kapag nadapuan ng alipato at madaliang nasusunog ang kahit isang mahabang hanay nito.


May mga tao na tulad ng kugon ay mabilis makukuhang lumahok sa isang magandang proyekto. Sa umpisa, mataas ang sigla nila. Gayunman, kung ningas kugon, paglipas lamang ng ilang araw ay nawawalan na sila ng gana at sigasig. Bumibilis pa ang pagkawala ng gana kapag nakatagpo sila ng problema sa ginagawa. Ginagamit ng taong ningas kugon ang anumang dahilan para huminto sa proyekto.


Sinasabing ningas kugon ang malimit na sanhi ng nauuntol na pagsulong ng bansa. Maraming magagandang proyektong pangkabuhayan ang hindi naitutuloy. May mga kampanya na hanggang simula lamang. Nawawala ang mga lider pagdating sa gitna o nauubos ang mga kalahok bago may matapos. Iba ito sa korupsiyon.


Ang ningas kugon ay tumutukoy lamang sa ugaling mabagot o hindi makatagal sa isang proyektong nangangailangan ng mahabàng panahon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: