La Naval de Manila
Isa itong pista para sa Nuestra Señora del Santíssimo Rosario de La Naval de Manila o mas kilala bilang Santo Rosario o Birheng La Naval.
Inilalabas sa simbahan ang imahen ng birhen at inililibot sa mga kalye at muling ibinabalik sa altar ng simbahan.
Itinuturing na pinakamatandang lilok na garing ang rebulto ng La Naval sa Filipinas. Inukit ito ng isang Tsinong eskultor sa utos ni Kapitan Hernando de los Rios Coronel at Gobernador Heneral Luis Perez Dasmariñas para sa Dominiko sa Maynila noong 1593.
Napinsala ang rebulto dahil sa pagsalakay ng mga Ingles noong 1762. Nang bombahin ang Maynila noong 1942, inilipat ito sa isang ligtas na lugar. Muli lamang itong naibalik sa simbahang Sto. Domingo sa Lungsod Quezon noong 1954.
Bantog ang himala ng Birheng La Naval. Noong 1646 at sumalakay ang Olandes sa bansa, ang Birheng La Naval ang sinasabing tumulong at gumabay sa mga armada ng Espanya na nasa ilalim noon ng pamumunò ni Kumandante Lorenzo de Orella y Ugalde. Matagumpay na naipagtanggol ang Maynila bagaman mayroon lamang dalawang galeon ang hukbo ni Orella laban sa 18 barkong pandigma ng Olandes.
Noong Abril 1662, idineklara ng Arsobispado ng Maynila na milagroso ang naganap na labanan. Binigyan ng koronasyong kanonika sa utos ni Papa Pius X ang naturang rebulto ng Birheng Maria noong 1907, ang una sa bansa at sa Asia.
Idineklarang Pambansang Yamang Pangkultura ng pamahalaan ng Filipinas at Pambansang Museo ng Filipinas noong Oktubre 2012 ang Simbahan ng Sto. Domingo at ang imahen ng Birheng La Naval.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " La Naval de Manila "