Saan nagmula ang Birheng Antipolo?


Ang Birheng Antipolo o Nuestra Señora dela Paz y Buenviaje (Ang Mahal Nating Ina ng Kapayapaan at Mabuting Paglalayag) ay dinala ng mga misyonero buhat sa isang parokya sa Acapulco, Mexico.


Makailang beses itong nagparoo’t parito noong panahon ng Kalakalang Galeon. Sa tuwing may mahalagang produkto o tao na lulan sa barko, isinasama ang birhen upang magkaroon ng ligtas na paglalakbay. Iyon ang ugat ng pangalan nito bilang patrona para sa mabuting paglalakbay.


Unang naglayag ang imahen noong 1626 kasama ang Gobernador Heneral Juan Nino de Tabora at panghulí noong 1746 sa hiling ng Gobernador Heneral Arrechedera.


Sinasabing iisa ang kahoy na pinagmulan ng Birheng Antipolo at ng imahen ng Poong Nazareno sa Quiapo kaya tuwing ika-29 ng Abril, dinadala ang Birhen ng Antipolo sa Simbahang Quiapo bago iahon muli sa Lungsod Antipolo.


Ang gawaing ito ay tinatawag na Ahunan. Gayundin, noong ika-17 siglo, dinadala ang Birhen ng Antipolo sa Ternate, Cavite upang saksihan ang pagbebendisyon ng mga barkong ginagawa upang gamitin sa paglalayag. Inilalagay ang Birhen sa parokya na kinaroroonan din ng imahen ng Santo Niño. Kawangis ng Birhen ng Antipolo at Hesus Nazareno ang Santo Niño sa kulay at pinaniniwalaan ding nagmula sa iisang punongkahoy.


Nang malipat sa mga Heswita ang pangangalaga sa imahen, inilagay ang imahen sa bulubunduking parokya ng Sta.Cruz sa Morong (Rizal ngayon) na noo’y pinagsisilbihan ni Fray Pedro Chirino. Palaging nawawala ang imahen at natatagpuan sa puno ng tipolo kaya nagdesisyon ang kura parokong si Fray Diego Garcia noong 1603 na magpatayo ng kapilya para sa imahen sa lugar na laging kinatatagpuan nito.


Ginamit ang punong tipolo sa paggawa ng retablo hábang sawali lamang ang dingding ng maliit na simbahan. Nang magdesisyon ang mga Heswita na magpatayo ng simbahang bato, si Fray Juan de Salazar ang namuno sa paggawa ng Simbahang Antipolo. Nagsimulang gawin ito noong 1630 at natapos noong 1653.


Isa sa mga pambihirang estruktura sa Filipinas ang Simbahang Antipolo. Ang arkitektong si Jose de Ocampo ang nagdisenyo ng simbahan. Modernista ang disenyo nito na may dome-shaped na bubungan at napapalibutan ng mga stained glass ang ilalim. May laking 40 metro sa diyametro, ang simboryo ng Antipolo ang isa sa pinakamalaki at pinakaengrandeng estruktura na naitayô noong 1954. Ang unang lay-out ng simbahan ay pakrus, kagaya ng mga simbahan na matatagpuan sa Europa at Amerika Latina noong panahong iyon.


Ayon kay Padre Murillo, walang kasingganda ang Simbahang Antipolo noong ika-18 siglo. Bahagyang nasira ang simbahan sa mga lindol noong 1645, 1824, at 1863 ngunit nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Muling ipinagawa ito ni Padre Francisco Avendano sa tulong ng kaniyang kaibigang si Jose de Ocampo.


Noong 2002, pinalitan ang sahig nito ng marmol. Noong 2004, sinimulang baguhin ang disenyo ng harapan sang-ayon sa disenyo ni Joey Amistoso. Si Nemesio Miranda, isang artist ng Angono, ang nagpinta ng Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Hesukristo.


Kasabay ng pagdiriwang sa kapistahan ng San Jose Manggagawa tuwing 1 Mayo, ang Simbahang Antipolo ay dinarayo ng mga mananampalataya upang magdasal sa Birheng Antipolo. Dahil dito, binansagan ang Lungsod Antipolo na “Pilgrimage City of the Philippines.”


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: