Kuwaresma
Nagmula sa salitang cuaresma ng wikang Espanyol, ang Kuwaresma ay panahon ng apatnapung araw ng pag-alaala sa Pagpapahirap, Pagkamatay at Muling-Pagkabuhay ni Hesukristo.
Nagsisimula ang panahon ng Kuwaresma sa Miyerkoles de Senisa at nagtatapos sa Pasko ng Pagkabuhay. Pangunahing kaugalian ng mga Filipino tuwing Kuwaresma ang pag-aayuno, o kahit paano, ang pag-iwas kumain ng karne tuwing Biyernes. Lumalabas sa panahong ito ang iba’t ibang gawaing relihiyoso ng mga Kristiyanong Filipino.
Sa Miyerkoles de Senisa, nilalagyan ng pari ang mga noo ng mga mananampalataya ng abo mula sa mga natuyong palaspas na hinaluan ng banal na tubig bilang tanda ng pinagmulan tao at ang mangyayari sa katawan ng tao kapag siyá’y namatay. Sa mga susunod na araw at linggo, magsasagawa ng Via Dolorosa o Daan ng Krus ang mga kapilya at simbahan upang ipaalaala sa mga Katoliko ang dinanas ni Hesukristo sa mga huling araw niya sa mundo bilang tao.
Sa simula ng Semana Santa o Mahal na Araw, ginagawa ang pagbebendisyon ng palaspas, tanda ng pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem. Tinatawag itong Domingo de Ramos o Linggo ng Palaspas.
Sa mga susunod na araw, naglalagay ang mga komunidad ng mga altar at sari-sariling kapilya upang maging lugar sa pagbabasa ng pasyon.
Sa Huwebes Santo, isinasagawa ng mga Filipino ang Visita Iglesia. Nagpupunta sila sa iba’t ibang simbahan upang magdasal ng Via Dolorosa o kaya’y magsindi ng kandila. Sa araw ring ito muli ring isinasabuhay ang Paghuhugas ng mga Paa ng mga Disipulo.
Sa Biyernes Santo, maraming nagpepenitensiya sa pamamagitan ng paghampas ng sarili hanggang magdugo ang likod, pagpapako sa krus, paglalakad nang paluhod, at iba pa.
Para sa mga albularyo, ito ang nakatakdang araw upang muling palakasin ang kani-kanilang mga anting-anting at iba pang gamit sa paggamot. Pumupunta sila sa mga bundok at kuweba upang magdasal.
Sa dapithapon ng Biyernes Santo, ipinuprusisyon ang Santo Intiyero na sinusundan ng imahen ni Maria, Ina ni Hesus. Ilan sa mga paniniwala tungkol sa Biyernes Santo ay bawal magkasugat dahil hindi raw ito gagaling agad, bawal maligo pagkatapos ng ika-3 ng hapon, at bawal humawak ng patalim sa buong araw.
Sa Sabado de Gloria, isang misa sa gabi ang idinaraos upang bendisyunan ang mga kandila at tubig. Hinihintay ng mga deboto ang Linggo ng Pagkabuhay sa pamamagitan ng isang paglalamay sa simbahan.
Sa bukang-liwayway ng Linggo ng Pagkabuhay, isinasagawa ang Salubong, isang pagsasadula ng paghaharap muli ni Kristo at ng kaniyang ina. Isang batang anghel ang magtatanggal ng belong itim sa Birhen sakâ magkakaroon ng masayáng tugtog ng musiko, ang hudyat na muli nang nabuhay si Kristo.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Kuwaresma "