penitensiya


Ang penitensiyá ay isang paraan ng pagsisisi sa kasalanan. Ang pagsisisi ng kasalanan ay isa sa pitóng sakramento ng Simbahang Katolika. Tinutukoy nitó ang gawaing iniutos ng pari at dapat tupdin ng isang táong nagsisisi mula sa pangungumpisal hanggang kapatawaran. Itinuturing itong kaparusahan noon at may iba’t ibang bigat batay sa uri ng kasalanang nagawa ng indibidwal. Noong Edad Medya, ang penitensiya ay malupit at mapanghámak na pagdisiplina na ginagawa sa publiko.


Sa Filipinas, karaniwan itong ginagawa tuwing Mahal na Araw, at itinatapat sa paghihirap at pasyon ni Hesukristo. Upang tumbasan ang paghihirap ng Kristo, isinasagawa ito ng nagpepenitensiya sa pamamagitan ng pagpasan ng krus, paglatigo o paghampas sa sarili, at pagpapakò sa sarili. Sa karaniwang Katoliko, nangangahulugan ito ng kaukulang pangingilin at pagnonobena. Ang visita iglesia, halimbawa, ay hindi piknik kundi isang uri ng panata para mabawasan ang kasalanan.


Ang ritwal ng paghampas sa sarili ay malimit na isinasabay sa isang prusisyon. Ang mga kalahok na nagpepenitensiya ay karaniwang hubad at nakatapak at may kulubong na itim o putting tela sa mukha at ulo. Bago magsimula ang prusisyon, nagkakaroon ng “padugo” o paglikha ng maliliit na hiwa sa balat ng penitente sa pamamagitan ng punyal o labaha. Ginagawa ito upang higit na lumabas ang dugo sa mga gagawing pagpalò o paghampas. Ang naghahampas sa sarili ay may tangang bulyós—tila maikling latigo na may ilang sanga at may bilóg na ulo bawat sanga—at inihahampas sa sariling likod, bisig, at hita. Kung minsan, may katulong ang penitente na siyáng may hawak ng bulyos o palaspas na panghampas. Naliligo silá sa ilog pagkatapos, at sinasabing nakararamdam ng ginhawa sa gayong gawain.


Kilala ang San Pedro Cutud sa Pampanga bilang lugar na pinagsimulan ng pagsasabuhay ng Pasyon ni Hesukristo. Nagsimula ito noong 1955 sa pagsasadula ng Via Crucis ng mga artistang boluntaryo ng San Pedro Cutud. Noong 1962 unang natunghayan ang aktuwal na pagpapapakò ni Artemio Anoza, ang gumanap na Kristo, sa dula. Noong 1965 inimbitahan ang mga artista at penitente na isagawa ang ritwal sa Guagua. Umani ito ng pansin ng bansa at naging atraksiyong panturista mula noon.


Pinagmulan: NCCA Official