Punyal
On Militar
Ang maikling patalim, gamit mang sandata o para sa pang-araw-araw na gawain, ay karaniwang tinatawag na punyal. Katulad nitó bagaman may naiibang hugis ang tinatawag namang balaráw. May mahalagang gamit ito sa mga sinaunang ritwal, lalo na pagtarak sa leeg ng alay na baboy at paggilit sa leeg ng handog na manok sa dambana. Punyál din ang gamit sa paghiwa ng bisig sa sandugo, gaya ng ginanap na kasunduan ng pagkakaibigan nina Miguel Lopez de Legazpi at Sikatuna sa kasaysayan at sa masagisag na panunumpa ng mga sumasapi sa Katipunan. Kawikaang gamit din ito sa pagsusumpaan ng magsing-ibig, gaya ng paglalarawan sa awit na “Sa Lumang Simbahan” sa magkasintahang lumuhod sa harap ng altar at “may hawak na punyal.”Isang bago ngunit maalamat na imbensiyon ang balisóng sa Batangas, isang uri ng punyál na naititiklop ang puluhan upang itago ang talim kapag hindi ginagamit. Dahil sa katangiang ito ay tinatawag din itong “de-tiklop.” Samantala, tinatawag din itong “beyntenuwebe” (mula sa Espanyol na veinte y nueve, 29) dahil sa alamat na ang dalubhasa sa paggamit nitó ay maaaring tumálo sa hanggang 29 kalaban. Pangunahing kabuhayan ang paggawa ng balisóng sa mga baryo ng Balisóng at Bule sa Taal, Batangas. Isang sining ang husay sa pagbúnot at bilis sa pagbubukás ng puluhan nitó, gayundin ang mga hakbang sa paggamit nitó sa pakikipaglaban.
No Comment to " Punyal "