On
Ang balisong ay isang uri ng patalim na maaaring itiklop ang hawakan upang takpan ang talim. Hindi tiyak ang pinaggalingan ng salitang balisong ngunit sinasabing hango ang pangalan nito mula sa mga salitang baling sungay dahil sa ang unang materyales na ginamit sa paggawa nito ay sungay ng kalabaw o usa.


Madali itong ilabas sapagkat maaaring isang kamay lamang ang gamitin. Kilala rin ito sa tawag na Batangas knife dahil ang ganitong kutsilyo ay kadalasang sa lalawigan ng Batangas nagmumula.


Tinawag naman itong butterfly knife sa Ingles dahil nagmumukhang pakpak ng paruparo ang mga hawakan nito kapag ibinuka. Fan knife naman ang isa pang tawag sa Ingles dahil parang nagbubukas ng pamaypay ang gumagamit nito.


Naimbento ang balisong dahil sa mga sitwasyong hindi maaaring gamitin ang dalawang kamay ng indibidwal para mailabas ang patalim mula sa kaluban nito. Halimbawa ay ang manggagawang nasa mataas na lugar gaya ng punongkahoy, nakakapit sa isang bagay, at nangangalilangang gumamit ng kutsilyo.


Bukod pa rito, ginagamit na rin ang balisong bilang isang uri ng sining at paraan ng pagbibigay ng aliw sa pamamagitan ng pagpapakitang gilas ng paraan ng paggamit nitong tinatawag na fanning at flipping.


Sa kabilang banda, labag sa batas ang pagkakaroon ng balisong sa mga bansang tulad ng Netherlands, Australia, United Kingdom, Canada, New Zealand, at Germany.


Maging sa Pilipinas, hindi na rin pinahihintulutang magdala ang sinuman ng balisong sa mga siyudad maliban na lamang kailangan sa trabahong gaya ng tagatabas ng damo, nagtitinda ng prutas, gulay at karne, o nagtuturo ng martial arts. Kailangan ding ipakita ang kakayahan sa paggamit nito sa mga trabahong nabanggit upang mabigyan ng kaukulang permiso.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: