Agimat ang tawag sa anumang bagay na pinaniniwalaang nagtataglay ng kapangyarihang nakapagbibigay ng pambihirang lakas at iba pang kakayahang higit sa taglay ng karaniwang tao.


Sinasabing nakaugat angagimat sa relihiyon ng mga sinaunang Filipino na naniniwalang ang lahat ng bagay na likas ay may kaluluwa kung kayâ’t maging hanggang sa kasalukuyan, ang maliliit na bato o piraso ng kahoy, lalo na iyong mga nakuha sa sagradong lugar o kakaibang paligid, ay itinuturing na makapangyarihan. Dulot na rin ng impluwensiya ng Kristiyanismo sa bansa, maging ang mga kuwintas na krus at eskapularyo ay itinuturing kung minsan na agimat. Sa katunayan, maraming nabibiling agimat maging sa tabi ng simbahan sa Quiapo.


Tinatawag din itong


  • anting-anting, o kaya ay 
  • alipugpóg sa Iloko, 
  • dagon sa Sebwano, 
  • galíng sa Tagalog, Iloko, Kapampangan, at Pangasinan, 


samantalang ang mga terminong amuléto at birtúd ay mula sa Espanyol.


Bagaman nasasaksihan na lamang sa mga pelikula at telebisyon, o nababasa sa mga kuwentong kababalaghan at komiks, bahagi rin ang agimat ng maraming epikong Filpino at kuwentong bayan.


Sa katunayan, nagiging bahagi rin ito ng kasaysayan ng Filipinas. Hindi maihihiwalay, halimbawa, ang pagkabantog ni Macario Sakay sa damit niyáng kinasusulatan ng Latin at may mga dibuhong relihiyoso na sinasabing nagsanggalang sa kaniya laban sa mga bala ng kaaway na Espanyol at Amerikano.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr