Ano ang Kalesa?
Isa itong uri ng pampublikong transportasyong ipinakilala ng mga Espanyol sa Filipinas noong ika-18 siglo, at naging popular lalo sa mga mariwasa, taong may katungkulan, at mangangalakal.
Sa kasalukuyan, naungusan na ang kalesa ng mga dyipni, taxi, traysikel, at iba pang makabagong uri ng sasakyang panlupa, at bihira na itong magamit, maliban sa ilang lalawigan at mga pook panturismong tulad ng Intramuros at Vigan Heritage Village.
Ang ordinaryong kalesa ay isang kotse (mula coche) na maaaring magsakay ng dalawang pasahero. Isang sasakyan itong nakabukas ang harapan, may maluwang na bintana ang tatlong gilid, may malaking dalawang gulong (kaya mainam sa baha), at may dalawang baras para pagsingkawan ng kabayo.
May tinatawag na karitela na may dalawang hanay ng upuan at nakapagsasakay ng apat o mahigit na pasahero. Nakaupo sa harapan ng kotse ang kutsero (cochero), ang nagmamaneho ng kabayo.
Maituturing na isang imbensiyong Filipino ang kalesa mula sa orihinal na disenyo ng mga karwahe (carruaje) na dinala dito ng mga mananakop. Sapagkat para sa malamig na klima, ang karwaheng Europeo ay higit na sarado, makapal ang dingding, malaki, at sa gayon ay higit na mabigat.
Kabilang sa mga kahawig ng kalesa ang mga sasakyang calash (o caleche), barouche, chaise, at victoria sa Europa. Ang nakagugulat, marami pa ring kalesa sa Binondo, Maynila.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang Kalesa? "