On
Ang kaliwaan sa literal na kahulugan ay “trabaho o aksiyon ng mga kaliwa o kaliwete.” Maaari din itong mangahulugan ng “sagupaan na ginagamit ang kaliwang kamay.”


Ngunit isang katawagan itong pangnegosyo at nangangahulugan ng direkta o tahas na pagpapalitan ng biniling produkto at ng pambayad. Sa nayon, sinasalungat ng kaliwaan ang bisyong utang o “lista muna” at kahit ang “hulugan.” Hindi magaganap ang anumang transaksiyon kung hindi nakahanda ang binili at ang kaukulang pambayad ng magkabilâng panig.


Sa modernong transaksiyon, ito ang Cash on Delivery o kaya Collect on Delivery (COD). Nagaganap ang COD kapag ang isang kompanya ay mayroong sariling transportasyon o ahente para sa paghahatid ng produkto.


Ngunit kailangang nakahanda ang perang pambayad sa oras na dumating ang delivery. Mabilis ang ganitong negosyo dahil mabilis ang paghahatid ng produkto at mabilis din ang pagkolekta ng bayad. Tiyak din at walang lugi ang kompanya. Kasama sa binabayaran pati ang halaga ng paghahatid ng produkto.


Lumilipas na ang COD dahil sa elektronikong transaksiyon at pag-unlad ng teknolohiya. Gayunman, ginagamit pa rin ang ganitong klase ng transaksiyon tuwing ang order ay madalîng nagagawa at malapit sa pagdadalhan, gaya ng sa sistema ng home order sa fastfood.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: