Isang malaki at matigas na punongkahoy ang kalumpit (Terminalia edulis Blanco), at tinawag ding anagep at kalantit sa Iluko, kalumagon sa Bikol, kalumanog sa Bisaya, at alupi sa Ibanag.


Tumataas ito ng 25 metro at isang metro ang diyametro ng puno. Ang mga dahon ay mahaba at matulis sa magkabilaang dulo. May maliliit itong putîng manilaw-nilaw na bulaklak at maliliit na bilog na bungang nagiging mapula kapag hinog.


Malaganap ang kalumpit sa buong kapuluan. Ang balat ay may tannin. Ang mga dahon ay pampataba ng baka. Nakakain ang hinog na bunga nito.


Ginagamit din ang bunga bilang pampatamis sa pinagugulang na lambanog. May bayan ng Kalumpit sa Bulacan. Inspirasyon ang tigas nito bilang punongkahoy sa gumawa ng salawikain upang uyamin ang matanda na nagpipilit magmukhang kabataan:


Nagmumurang kalumpit

Nagmamatandang kulit.


Kabaligtaran naman ang kabataan, na sinasagisag ng malambot na palumpong na kulit, na nagsisikap maituring na matanda na.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: