Salawikain
Karaniwan, isang pangungusap lamang ito na hinahati sa dalawang taludtod. Karaniwan ding gumagamit ng pipituhin o wawaluhing sukat, may isahang tugma, at may talinghaga ang mga sinaunang salawikain.
Ang salawikain ay isang di-tuwirang paraan ng pagpapaabot ng isang mahalagang panuntunan sa buhay.
Halimbawa, ang salawikaing “Ang katakatayak/sukat makapagkati ng dagat,” ay maaaring nagpapahiwatig ng kabuluhan ng pagtitiyaga sa pagganap ng anumang gawain o tungkulin. Sa “Matibay ang walis/palibhasa’y magkabigkis,” idinidiin ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos. Sa salawikaing “Aanhin pa ang damo/kung patay na ang kabayo,” itinataguyod ang kahandaan sa mabilisan at kagyat na pagtulong sa nangangailangan.
Ang bisa ng salawikain ay nasa paggamit ng talinghaga. Dahil ang pangangaral ay hindi tuwirang sinasabi kundi idinadaan sa paggamit ng talinghaga, ang pinapaabutan ng aral ay siya mismong tumutuklas ng mensahe upang magamit sa kaniyang pang-araw-araw na buhay.
Ang salawikain ay tinatawag ding
- aramiga o sasabihan sa Bicol;
- panultihon o pagya sa Sebwano;
- humbaton o hurubaton sa Ilonggo at Capiznon;
- pagsasao sa Ilokano;
- kasebian sa Pampango;
- diparan sa Pangasinense;
- salawikain, sawikain, at kasabihan sa Tagalog;
- dayhuan, puplongan at patitgo-on sa Waray;
- hueobaton at bilisadon sa Aklanon;
- unoni sa Ibanag;
- pananahan sa Ivatan;
- memos an baba, oloran, at tongong sa Isinay;
- lalenut sa Gaddang;
- basahan sa Bukidnon;
- panonggelengan sa Manobo;
- pananaroon sa Maranao;
- masaalaa at pituwa sa Tausug.
Ang hadith naman ng mga Tausug ay itinuturing na sagradong mga kasabihan na nagmula kay Muhammad at nakasulat sa Arabe.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Salawikain "