Ano ang Gindaya?
Idinadaos ang ginem tatlo o apat na buwan matapos lumantad ang konstelasyon ng pitong bituin, ang Balatik, at kapag bago o kabilulgan ang buwan.
Tumutukoy ang ginem sa seremonyal na pag-inom ng alak mula sa tubo. Sumasagisag ito sa pag-inom ng mga bathala ng inaalay na dugo ng mga Bagobo.
Noong mga sinaunang pagdaraos ng ginem, pumapaslang ang mga Bagobo ng tao bilang alay sa mga diyos. Pinaghahatian ang katawan at iniuuwi sa paniniwalang gagawaran sila ng tapang ni Mandarangan, ang panginoon ng digmaan.
Sa pagdaan ng panahon, napalitan na ng hayop ang taong inaaalay. Idinadaos tuwing Nobyembre o Disyembre ang ginem sa bahay ng datu, na siyang pinakamalaki sa komunidad. Hitik ang gabi sa sayawan at kantahan, at isa na rito ang gindaya.
Ayon sa aklat na A Study of Bagobo Ceremonial, Magic and Myth ni L.W. Benedict, ang gindaya ay inaawit lamang ng mga lalaki, samantalang ang kababaihan naman ang umaawit ng ibang uri ng imno o berso.
Nagbigay si Celedonio G. Aguilar ng halimbawa ng gindaya sa aklat na Readings in Philippine Literature (isinalin dito sa Filipino):
Panginoon, ang Protektor, Duma Tungo,
Ang Panginoong nangangalaga sa mga tao,
Ang may-alam ng lahat,
Bumabâ at sabihin sa aming
Nanggaling ka na roon…
Ayon kay Aguilar, salitang inaawit ang gindaya ng dalawang koro. Ayon naman sa pag-aaral ni Pieter Jan Raats (A Structural Study of Bagobo Myths and Rites), noong unang panahon ay inaawit din ang gindaya sa labas ng ginem, tuwing pumapaslang ng tao ang mga Bagobo.
Ang imno ay papuri sa tunggalian at bumabanggit ng unahan sa pagtakbo at pakikipaglaban. Maaaring tumukoy ang unahan sa pagtakbo sa karera ng mga kabayo, na idinadaos din sa ginem.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang Gindaya? "