Tugma at Sukat
May dalawa itong pangkalahatang uri: ang tugmâng patínig at tugmâng katínig.
Ang tugmang patinig ay nagtatapos sa alinman sa tatlo: a, e-i, at o-u. Ngunit dapat ding isaalang-alang sa tugmang patinig ang tuldik: magkasáma ang mga salitâng malumay at mabilis; magkasáma naman ang mga salitâng malumi at maragsa ang bigkas.
Samantala, nakamihasnan namang hatiin ang mga titik na katinig sa dalawang uri: ang mga titik na b, k, d, g, p, s, t; at ang mga titik l, m, n, ng, r, w, y. Sa pag-aaral ni Rizal, tinawag niyá ang unang grupo na tugmâng malakás; ang ikalawa nama’y tugmâng mahinà.
Sa panulaang Filipino, mahalaga ang magkakatugmang salita hindi lámang sa tunog na nililikha nitó kundi sa pagbibigay-diin sa pahayag ng tula.
Karaniwang naipahihiwatig ng isang bihasang makata ang daloy ng kaniyang isip sa pamamagitan lámang ng salansan ng mga susing salitâng pantugma sa loob ng tula.
Sa konteksto ng pabigkas na tula, mahalaga rin ang tugmaan bilang kasangkapan sa mabilisang pakikipagtalastasan at pagsasaulo. Sa panig ng madlang tagapakinig, patnubay ang mga pantugmang salita para matandaan at maunawaan niyá ang tula.
Ang sukat naman ay ang sangkap ng katutubong tula na tumutukoy sa bilang ng pantig sa bawat taludtod. Isa sa mga unang tumalakay tungkol sa sukat si Gaspar de San Agustin. Aniya, gamitin ang mga sukat na pipituhin at wawaluhin. Nagbigay siyá ng halimbawa ng mga saknong na may tatlo at apat na taludtod bawat isa.
Si Rizal, nitóng ika-19 siglo, ang nag-aral sa sukat na lalabindalawahin. Sa pamamagitan ng isang lektura sa Berlin ay tinalakay niyá ang kahusayan ng paggamit ni Balagtas sa lalabindalawahin at sa hati o caesura sa gitna ng lalabindalawahin. Ang hati ay tumutukoy sa bahagyang pagtigil sa pagbigkas sa pang-anim na pantig ng lalabindalawahing taludtod.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tugma at Sukat "