Ano ang tuldik?


Tumutukoy ang tuldik sa diin o marka na inilalagay sa ibabaw ng patinig ng salita upang ipahiwatig ang tamang bigkas ng salita.


Sa Filipino karaniwang binibigkas nang may diin ang mga salitang may higit sa isang pantig. Tinatawag rin itong asento, istrés o stress. Katumbas rin ito ng punto na maaaring tumukoy sa rehiyonal na tunog sa mga salitang Filipino.


Ipinapahiwatig ng mga tuldík ang natatanging tunog ng wikang Filipino. Sa unang pinalaganap na balarila, umimbento si Lope K. Santos ng tatlong tuldik: ang pahilís (΄), ang paiwà (`), at ang pakupyâ na batay sa bilis ng pagbigkas at sa posisyon ng diin sa mga pantig sa loob ng salita.


Ang pahilís ay tuldík sa mga salitang may diing malumay at matatagpuan sa pangalawa sa huling pantig (penultima) gaya ng pálong, palíto, at palikéro. Ginagamit rin ang pahilís para sa mga salitang binibigkas nang mabilis. Inilalagay ito sa huling pantig tulad ng paigkás, pundasyón, silíd, at litó.


Samantala ang paiwà naman ay tuldík na inilalagay sa ibabaw ng hulíng pantig ng mga salitang may diing malumi. Halimbawa ay: binatà, talumpatí, at punò. Ang pakupyâ naman ay tuldík na pananda sa salitang maragsa at matatagpuan sa patinig na nása dulo ng salita, gaya ng pakô, iksî, at pasô.


Mahalaga ang pagtutuldík upang maging malinaw ang tamang bigkas lalo na’t napakarami ng mga salita sa Filipino ang iisa ang baybay ngunit nagkakaiba ang kahulugan dahil sa diin gaya ng búhay (png.pag-iral) at buháy (pnr. masigla); túbo (png, daluyan ng likido), tubò (png. proseso ng paglaki) at tubó (png.halamang pinagkukunan ng asukal, suka, alak o alkohol).


Bukod pa rito, maaari ring magkaroon ng higit sa isang tuldík ang isang salita tulad ng salitang kapángyaríhan. O kayâ naman maaaring mabago ang posisyon ng tuldík dahil sa paglilipat ng diin na nagaganap sa paglalapi sa mga salita gaya ng bakúran (mula sa bákod) at tipirín (mula sa tipíd).


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: