On
Tinatawag na loa (ló∙wa) ang isang mahabang tula na binibigkas upang parangalan o papurihan ang isang mahalagang tao sa pagdiriwang o ang patron ng isang pista.


Nagmula ito sa Espanyol na loar na nangangahulugang purihin o papurihan. May mga ulat kung paanong sinasalubong ng mahabang tulang hitik sa mabubulaklak na taludtod at eksaherong papuri ang mga bumibisitang opisyal na pamahalaan noon sa mga lalawigan.


Ginagamit din itong imbokasyon sa simula ng isang piging o bago simulan ang isang komedya. Bahagi ng halina ng isang batikang loante (tawag sa mambibigkas ng loa) ang isaulong pagbigkas ng tula upang wari’y noon lamang naisip ang mga pangungusap na may takdang sukat at tugma.


May naiwang mga halimbawa ng loa si Balagtas. Isa rito ang papuri kay San Miguel na pintakasi ng Udyong, Bataan, at narito ang simula:

Sa ganitong sigla at kaligayahan

Nunukal sa dibdib ng masayáng bayan,

Aling puso kayâ ang di maaakay

Magsayá kung kahit lugami sa búhay?

Sa kaliwa’t kanan, harapan at likod

Katuwaang lahat ang napapanood,

Lupa’y sumisigaw ng ligaya’t lugod,

Ang langit ay aliw ang inihahandog.

Aling dahil kayâ? Bakit bumabalong

Luwalhating ito sa bayan ng Udyong?

Diyos na malaki, sa awa mo’t tulong

Ako’y nananangan sa pagpapanuynoy!


Kasunod nito ang pagkukuwento hinggil sa pagpigil ni San Miguel sa binalak na himagsik ni Lusiper sa langit. Marahil din, kung naitala nang buo, idinugtong pa ni Balagtas ang mga himala ng Arkanghel noon at maging sa Pilipinas.


Pinagmulan: NCCA official | Flickr


Mungkahing Basahin: