Pintakasi Kahulugan (Meaning)


Itinatawag ngayon ang pintakasi sa pagdaraos ng espesyal na pasabong kung Linggo o may kapistahan. Naiiba ito sa karaniwang pasabong dahil maaaring magtagal nang tatlong araw.


Ngunit iba ang sinaunang kahulugan ng pintakási. May haka nga na mula ito sa pinaghugpong na “pinipintuhò” at “kinakási” dahil malapit sa dalawang naturang salitâ ang orihinal na kahulugan. Sa isang matandang bokabularyo, nakalista ito at may kahulugang “procurador, intercesor, abogado.” Sa maikling salitâ, tagapamagitan o hingian ng tulong. Sa sinaunang lipunan, ang pintakási ang maharlika na nagbibigay ng tulong at malasákit sa nagigipit na tauhan o miyembro ng barangay. Tinatawag ding poón ang naturang hingian ng tulong, gaya ng pangyayaring tinatawag na “poón” ng alipin ang kaniyang panginoong maharlika.


Sa panahon ng kolonyalismo, isinalin ang tungkuling ito sa patrong santo o santa ng relihiyong Kristiyano. Pati ang titulong poón ay isinalin sa mga patron. Bawat bayan ay may hinihirang na patron. Halimbawa, itinakdang patron ng buong Filipinas si San Miguel. Tungkulin ng bayan na ipagdiwang ang araw na itinakdang kapistahan ng kanilang patron. Sa gayon, ang “pamimintakási” ay pagsamba at pagpaparangal sa isang patron. Ginagamit din ito ng mga makata upang magpugay sa kanilang musa o minamahal. Nakatutuwa na idinadaan ang gayong pagsamba ng mga sabungero sa pamamagitan ng pagsusugal.