Talingdaw
Si Fray Gaspar de San Agustin (1703) ang unang gumawa ng pagsusuri sa pagtulang katutubo ng Filipinas, at bahagi ng ulat niya ang talingdaw bilang isa sa dalawang pinakapopular na anyo ng tulang Tagalog. Ang dalît ang ikalawa.
Sabi ni San Agustin, ang talingdaw ay “dramatiko,” dahil inaawit ng isa ang isang saknong at sinasagot naman ng isa pa sa pamamagitan ng isang estrebilyo. Ang malungkot, hindi nakapagbigay ng halimbawa si San Agustin hinggil sa kaniyang inilarawang dramatikong tula.
Gayunman, mahihinuha na ang ibig sabihin niya ng “dramatiko” ay kaugnay ng pangyayaring binibigkas o inaawit ang talingdaw ng dalawa mo mahigit pang tao. Mahalaga din ang banggit niya sa estrebilyo (estrebillo), na isang katawagang Espanyol para sa inuulit-ulit na saknong o mga taludtod sa loob ng isang tula. Kahawig ito ng refrain sa mga anyong balada.
Inulit ni Fray Joaquin de Coria (1872) ang pagsusuri ni San Agustin sa panulaang katutubo. Gayunman, isang naidagdag niya ang impormasyon hinggil sa talingdaw.
Sa pamamagitan ng isang awit pansimbahan noong ika-19 siglo ay naipaliwanag niya ang estruktura ng talingdaw na binubuo ng isang pangunahing bahaging solo at isang kasalit na bahaging estrebilyo na tinatawag diumanong pabinìan, ang katutubong katawagan natin para sa refrain.
Matatagpuan din ang salitang ito sa matandang bokabularyo nina Noceda at Sanlucar. Sa gayon, ang talingdaw ay isang anyo ng tula o awit na kahawig ng baladang Kanluranin ang estruktura, may pangunahing bahagi para sa nag-iisang mambibigkas/mang-aawit at may sumasalit o sumasagot sa pamamagitan ng inuulit-ulit na pabinian.
Ang pabinian ay maaaring isagawa ng isang tao o sa paraang maramihan (katulad ng “koro”).
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Talingdaw "