Limang kilometrong tulay ang Candaba Viaduct (Kan·dá·ba Va·yá·dak) na tumatawid sa pinak (marshland) ng Candaba, isa sa mga pangunahing pinak ng bansa at may lawak na 32,000 ektarya.


Ang viaduct ay uri ng mahabang tulay o serye ng mga tulay.


Isa ang Candaba Viaduct sa mga pinakamahabang tulay sa Filipinas at bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) na nagdurugtong ng Kamaynilaan at mga lalawigan ng Gitnang Luzon.


Tinatahak nito ang daan sa pagitan ng mga interchange ng Pulilan, Bulacan at ng San Simon, Pampanga. Pinananatili nitong nakabukas ang daloy ng trapiko sa NLEX kahit binabaha ang latian tuwing panahon ng tag-ulan.


Mayroon itong apat na lane (dalawang pahilaga at dalawang patimog) at gawa sa aspalto at kongkreto. Idinisenyo ang Candaba Viaduct ng kompanyang Aas-Jakobsen ng Norway at pinangangalagaan ng Manila North Tollways Corporation, ang gumawa at concessionaire ng NLEX.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: