Tulay San Juanico
Kilala bilang pinakamahabang tulay sa Pilipinas ang Tulay San Juanico (San Hu·wa·ni·kó). May sukat itong 2.16 kilometro at tumutulay sa Kipot San Juanico, ang sinasabing pinakamakitid na kipot sa buong mundo.
Pinagdudugtong ng Tulay San Juanico ang Lungsod Tacloban sa pulo ng Leyte at ang bayan ng Sta. Rita sa pulo ng Samar. Ito ang sinasabing dahilan kung bakit hugis letrang /S/ at /L/ ang tulay. Binubuo ng 43 ispan ang Tulay San Juanico. Dahil may taas itong 41 metro mula sa dagat, nakatatawid ang malalaking bangka sa ilalim ng pinakamalaking arko nito.
Sinimulang itayo ang Tulay San Juanico noong 1969. Iginawad ang kontrata sa paggawa nito sa Construction at Development Corporation of the Philippines (CDCP). Sa tulong ng mga Hapong inhenyero, idinisenyo ng CDCP ang tulay.
Pagkatapos ng apat na taon, tagumpay na naitayo ang Tulay San Juanico. Marahil, dahil proyekto ito sa ilalim ng administrasyong Marcos, tinawag ito noong Tulay Marcos. May mga nagsasabing alay ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang tulay sa kaniyang asawang si Imelda Marcos na tubong Leyte. Sa kadahilanang ito, tinatawag din ang tulay na “Bridge of Love.”
Itinuturing ding isa sa pinakamagandang tulay ng bansa ang Tulay San Juanico. Bukod sa natatanging dibuho nito, kakaiba ang tanawin mula sa tulay. Ilan sa mga ito ang maliliit na pulo at daan-daang uliuli ng Kipot San Juanico.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Tulay San Juanico "