dyipni



Ang dyipni (jeepney sa Ingles) ang pinakaginagamit na uri ng sasakyang panlupa at uri ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas.

Alam mo ba na ang jeepney (dyipni) ay Sagisag Kultura ng Pilipinas?

Ang dyípni (jeepney sa Ingles) ang pinakaginagamit na uri ng sasakyang panlupa at uri ng pampublikong transportasyon sa bansa. Tinaguriang “hari ng lansangan” at kadalasang may pahiyas ng makukulay na pinta, istiker, at signboard, ang dyipni ang sagisag ng transportasyong Filipino.


Tinaguriang “hari ng lansangan” at kadalasang may pahiyas ng makukulay na pinta, istiker, at signboard, ang dyipni ang sagisag ng transportasyong Filipino.


Hango ang salitang “jeepney” mula sa pinagsamang “jeep” at “jitney.” Ang mga unang dyipni ay ginawa mula sa mga military jeep ng Estados Unidos na naiwan mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Sinira ng digmaan ang pampublikong transportasyon ng bansa, at ang mga naglipanang military jeep ang nagsilbing murang paraan upang muli itong mabuo.


Pinahabaan ang mga jeep upang makapagsakay ng mas maraming pasahero. Sa kasalukuyan, likha ng mga lokal na pagawaan ang karamihan sa mga dyipni. Ang tipikal na dyipni sa Kamaynilaan ay kayang magsakay ng 14-18 katao sa dalawang magkatapat na upuan sa loob ng pahaba nitong katawan, at dalawa pang pasahero sa harap, sa tabi ng nagmamaneho (na tinatawag na “tsuper,” mula sa “chauffeur”).


Bukod sa disenyong hango sa mga US military jeep, mayroon ding mga dyipning gawa sa mga surplus na minivan at cargo truck mula sa bansang Hapon (tulad ng makikita sa Cebu), at mga dyipning kamukha ng mga pickup truck (tulad ng mga “passad” sa Iloilo).


May mga dyipning aircon, o kaya naman ay pinapatakbo ng koryente sa halip na gasolina, ngunit sa kasalukuyan ay hindi pa popular ang mga ito. Taglay ng mga tsuper ng pampasaherong dyipni ang natatanging lisensya, at kailangan nilang bumiyahe sa nakatakdang ruta (hal. Quiapo-Fairview, UP Ikot) at maningil ng pamasaheng hindi lalabis sa itinakda ng pamahalaan.


Bahagi ng kultura at etiketa ng pagsakay sa dyipni ang walang-pag-aatubiling pag-abot ng bayad sa tsuper o sukli sa mga kasamang pasahero, at ang pagsabi (o pagsigaw) ng “para” (Espanyol ng “tigil”) kapag bababa.


Maaaring sumakay nang walang bayad ang batà kung kakandungin siya ng kasamang nakatatanda. Kapag puno na ang dyipni, madalas ding kumapit sa mga bakal na hawakan sa walang-pintong likuran ang ilang pasahero; sa mga lalawigan, hindi nakagugulat ang dyipning may mga pasaherong nakaupo sa bubong nito.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: