Tinatawag na likha noon ang sinaunang mga pigura na hinuhubog mula sa luad at bato.


Ayon sa isang matandang bokabularyo, ang likha ay “estatua, idolo.” Ang dalawang pakahulugan ay maaaring isalin sa pangyayari na tinatawag na sinaunang likha ang mga nililok na anyo at sa pangyayari na karaniwang mga anyo ng sinasambang sinaunang bathala at anito ang nilililok.


Pinatutunayan ito ng ulat ni Fray Juan de Plasencia (sirka 1589) na ang likha ay nililok na imahen ng idolo ng sambayanan at may iba’t ibang hugis.


Kabilang sa ganitong idolo sina Dian Masalanta, Lakapati, at Idyanale. Binanggit din ni Plasencia na may mga likha na imahen ng ninuno niláng yumao at magiting sa digma o may espesyal na talino, kayâ hinihingan nilá ng proteksiyon.


May nilililok sa puting bato at adobe na anyo ng kanilang mga diyos hanggang ngayon ang mga lumad sa Palawan. Halimbawa din ang inukit sa kahoy na mga bul-ol. Karaniwang punggok at habilog ang mukha ng mga likhang bathala. Karaniwan namang nakatalungko ang pigura ng bulol.


May mga halimbawa din ng katutubong likha na hindi pandambana. May mga anyo ng hayop na nililok sa kahoy, tinatawag na manuk-manuk, at ginagamit na pandekorasyon sa bahay ang mga Tagbanwa.


May sisidlang kahoy na anyong ibon ang mga Ifugaw. May disenyong pako ang okkir sa panolong ng mga Maranaw. Ganoon din ang pinukpok na tanso na ginagawang sisidlan ng buyo.


Pinakamatandang katibayan ng sining sa paglikha ng anyo ang pigura ng bangka at dalawang sakay sa takip ng Tapayang Manunggul, gayundin ang mga pigura sa takip ng mga tapayang natuklasan sa Itum, Saranggani.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: