Isang salitang Sebwano ang lumad at nangangahulugan ng “katutubo” sa isang pook.


Noong Hunyo 1966, pinagtibay sa kongreso ng 15 pangkating etniko sa Mindanao na ito ang itawag nila sa sarili upang mabukod sa mga grupong Kristiyano at Muslim. Pormal itong tinanggap nang gamitin ang “lumad” sa Artikulo XIII Seksiyong 8(2) ng R.A. 6734 na pinirmahan ni Pangulong Corazon C. Aquino.


Binubuo ang 15 ng

  1. Subanon, 
  2. Bilaan, 
  3. Mandaya, 
  4. Higaonon,
  5. Banwaon, 
  6. Talaandig, 
  7. Ubo, 
  8. Manobo, 
  9. Tiboli, 
  10. Tiruray, 
  11. Bagobo, 
  12. Tagakaolo, 
  13. Dibabawon, 
  14. Manguangan, at 
  15. Mansaka. 


Sa senso noong 1993 humigit-kumulang sa 2.1 milyon sila ng kabuuang 6.5 katutubong populasyon sa buong bansa.


Ginagamit ito ngayon upang tumukoy sa isang sinaunang pangkatin ng tao sa Filipinas. Ngunit, kung tutuusin, lumad ang lahat ng pangkating dinatnan dito ng mga Espanyol.


Pinakamatanda ang iba-ibang pangkating Itim, ang mga Agtá (tinatawag ding Ita, Ati, Balugà, Negrito, at iba pa), na sinasabing nakarating dito mulang kontinenteng Asyano sa pamamagitan ng mga lupaing-tulay.


Nang mawala ang mga lupaing-tulay, dumating sa Filipinas ang iba’t ibang pangkating manlalakbay-dagat na matatagpuan din sa Indonesia, Malaysia, at ibang lupain sa loob at paligid ng Karagatang Pasipiko. Kayâ itinuturing na magkakapamilya ang lahat ng wika sa Filipinas at ang mga wika sa Karagatang Pasipiko.


Ang “matá” halimbawa sa Filipino ay “matá” rin sa mga lupain sa buong Karagatang Pasipiko.


Sa mga pangkating katutubo ngayon, pinakamalalaki ang naging Kristiyanong

  1. Tagalog, 
  2. Sebwano, 
  3. Ilonggo, 
  4. Ilokano, 
  5. Bikolano, 
  6. Kapampangan, 
  7. Waray, at 
  8. Panggasinense. 


Sumunod ang mga Muslim sa pangunguna ng Magindanaw, Maranaw, at Tausug.


Kung uuriin sa wikang katutubo na umaabot sa 175, hinahati sa paraang heograpiko ng mga lingguwista ang mga pangkating etniko sa Hilagang Filipinas at Katimugang Filipinas.


Ang una ay sumasaklaw sa mga wika sa Luzon, kasáma na ang Ivatan, Ibanag, Kalinga, Sambal, Agta, Dumagat, at Iriga Bikol. Ang ikalawa ay sumasaklaw sa mga wika sa Kabisayaan at Mindanao, kasáma na ang Kiniray-a, Aklanon, Subanun, Manobo, Mamanwa, Tagbanwa, Mapun, Badjaw, Yakan, at Tiboli.


Inuuri din ng mga lingguwista ang mga wika alinsunod sa higit na magkakalapit ang mga katangiang pangwika.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: