Ano ang Bul-ul?
Isang mahabang serye ng mga ritwal ang kailangang idaos upang pumasok sa estatwa ang espiritu ng bul-ul.
Nagsisimula ito sa paghanap sa gubat ng kahoy na lililukin at nagtatapos sa isang marangyang pista. Sa pistang ito idinadaos ang konsekrasyon ng nililok na estatwa na isinasagawa ng mga mambunong (katutubong eksperto sa pagdaraos ng ritwal).
Hanggang hindi ito natatapos, hindi maituturing na sagrado ang bul-ul. Sapagkat magastos ang pagdaraos ng mga kailangang ritwal at pista, ang mga may malalawak na taniman ng palay lamang ang may kakayahang mag-ari ng bul-ul.
Ang mga bul-ul ay kailangang bigyan ng iba’t ibang alay at hingan ng tulong upang pangalagaan nila ang mga tanim, tiyakin na magiging masagana ang ani, at bantayan ang mga inaning palay.
Ginagamit din ang bul-ul sa mga ritwal na walang kinalaman sa mga gawaing agrikultural. Sa mga bagay na ginagamit sa mga tradisyonal na ritwal ng Ifugaw, ang bul-ul marahil ang pinakamahalaga.
Karaniwang pares ang mga estatwa, isang lalaki at isang babae na nakatayo o nakatalungko. Makikíta sa mga bul-ul ang iba’t ibang estilo ng lilok. Batay sa estilo, malaláman kung saang parte ng Ifugao nagmula ang bul-ul.
Ang mga nakaupong bul-ul ay karaniwang makikíta sa Banaue-Mayoyao, at ang mga nakatayo naman ay makikíta sa Hapao.
Sa Kiangan, mayroong “nagsasayaw” na bul-ul na doon lamang matatagpuan. Sinasabi na iilan na
lamang ang sagradong bul-ul na natitirá sa Ifugao. Ang mga bul-ul na ipinagbibili sa mga turista o kolektor ng souvenir ay mga produktong komersiyal na walang kabuluhan sa ritwalistikong búhay ng mga Ifugaw.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang Bul-ul? "