Ang adobe ay isang uri ng matigas ngunit natatabasang bato at hinuhubog sa mga pirasong parihaba upang gamitin sa paggawa ng estrukturang tulad ng bahay o gusali.


Karaniwan itong pinagpapatong-patong upang maging dingding o inihahanay nang patag upang maging sahig. Ginagamit din itong pader sa moog o bakuran at sahig sa lansangan at bangketa.


Ang salitang adobe ay nagsimula bilang “dj-b-t” sa wikang Ehipto noong 2000 B.C hanggang naging “tobe” noong 600 B.C. Hiniram ito sa wikang Arabe bilang “al-tub” hanggang naging salitang “adobe” sa Espanyol.


Hiniram naman ito ng wikang Ingles bilang “adobe” noong ikalabingwalong siglo. Ang lahat ng mga pagsasaling ito mula “dj-b-t” hanggang “adobe” ay nangangahulugang tipak ng batong luad.


Ito ay madalas ginagamit sa mga bansang may mataas na temperatura kung umaga at mababang temperatura kung gabi dahil na rin sa mataas nitong thermal mass at makapal na kabuuan. Sa konseptong ito, ang pader na adobe ay may kakayahang pigilan ang pagpasok ng init o lamig sa loob ng bahay o gusali.


Ilan sa mga bansang gumagamit ng adobe ay Kanlurang Asia, Hilaga at Kanlurang Aprika, Timog Amerika, at Silangang Europa. Ang mga sinaunang sibilisasyong gumamit nitó ay ang mga grupo sa Mesoamerica at Andes.


Nagsimula itong gamitin sa Espanya bago ang ikawalong siglo BC at naging karaniwan sa mga bahay sa Filipinas sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. May malaking reserba ng materyales para sa adobe sa hilagang bahagi ng bansa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: