Isang tila laro ng kalalakihan ang fagfagto, ngunit isang bahagi ito ng ritwal sa pagtatanim ng mga Bontok.


Bahagi ito ng nakagisnang siklo o salítang pagtatanim ng palay at kamote sa loob ng isang taon. Ginaganap ito sa buwan ng Agosto, kapag natapos nang anihin ang palay at kapag magtatanim naman ng kamote.


Pumuwesto ang dalawang pangkat ng kalalakihan sa magkabilâng pampang ng ilog o sa magkabilâng panig ng bukid sa tabi ng mga tinipong bato at magpapahusayan sa pagpapatama ng ipinupukol na mga bato sa isa’t isa.


Magpapatuloy ito hanggang ideklara ang lesles o araw ng pahinga. Ipinahahayag na panalo ang pangkat na nagtamo ng kaunting bukol at sugat o kayâ ang pangkat na na makalusob at makatawid sa posisyon ng kalaban.


Ngunit bilang ritwal, itinuturing na suwerte ang magtamo ng higit na maraming pinsala at malaking bukol sa ulo. Higit diumanong mag-aani ng marami at malalaking kamote ang pangkat na ito.


Sa araw ng pahinga, idinadaos sa bawat tahanan ang mangmang o ritwal ng pagkatay ng baboy o manok bilang pasalamat sa masaganang ani.


Sa hulíng araw ng pagdiriwang, nagsasáma-sámang muli ang magkakapangkat upang maglaro ng kagkagtin, isang uri ng labanan na kamay lámang ang ginagamit.


Sa panahon ng lesles, may pangkat ng kabataang lalaki na lumilibot at nananapatan, isang ugali na tinatawag na tsad-ayaket, upang makikain sa tahanan ng mga katsangyan o mariwasa sa komunidad.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: