Ano ang bayanihan?
Karaniwan itong nakikíta kapag may ililipat o bubuhating bahay sa kanayunan. Kapag kumalat ang balita, kusang dumarating ang mga kapitbahay at kanayon upang tumulong sa pagsasaayos at pagbuhat ng mga kasangkapan at sa mismong sáma-sámang pagbuhat sa bahay.
Lumilitaw din ito sa mga trabaho sa bukid, gaya sa pag-aararo, pagsusuyod, pagtatanim, at paggapas. Upang bumilis ang pagtatrabaho, dumarating ang mga magsasaká sa buong nayon upang tulungan ang isang may patanim o may paararo.
Tinatawag din itong ammoyo at tagnáya sa Iloko,araglayon sa Waray, hungos sa Sebwano, dagyaw sa Hiligaynon at Aklanon, tarabangan sa Bikol, at batarisan at pasuyo sa Bulacan.
Itinanghal ito sa kuwentong “Suyuan sa Tubigan” ni Macario Pineda. Sa kuwento, may tambal-kahulugan ang “suyuan.” Una, tungkol sa bayaníhan sa bukid, ang sigla ng mga magsasaká sa pagtulong sa pag-araro. Ikalawa, tungkol sa labanan nina Pastor at Ore para sa pag-ibig ng isang babae.
Ipinangalan din sa bayaníhan ang Bayanihan Dance Company, isang pangkat ng mananayaw na nagtatanghal ng katutubong sayaw ng Filipinas na itinatag sa Philippine Women’s University. Inilahok ang pangkat sa Brussels Universal Exposition noong 1958, nagtagumpay, at naging bantog sa buong daigdig.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Ano ang bayanihan? "