Ang Gawad Ramon Magsaysay (Ramon Magsaysay Award sa Ingles) ay isang prestihiyosong taunang gawad at itinuturing na Asyanong bersiyon ng Gawad Nobel (Nobel Prize).


Iginagawad ito sa mga Asyanong indibidwal at organisasyon na may malalaking ambag sa lipunan at nagpamalas ng natatangi at panghabang-buhay na husay sa mga sumusunod na larang:


  • Paglilingkod sa pamahalaan
  • Paglilingkod sa publiko
  • Pamumunò ng komunidad
  • Peryodismo, panitikan, at mga sining ng malikhaing komunikasyon
  • Kapayapaan at internasyonal na pagkakaunawaan
  • Sumisibol na pamumuno (emergent leadership)


Itinatag ang gawad noong 1957 ng mga trustee ng Rockefeller Brothers Fund ng Lungsod New York, Estados Unidos, sa pagsang-ayon ng Republika ng Filipinas.


Ginugunita nito ang mga ipinakitang birtud ng dating pangulong Ramon Magsaysay na integridad sa pamamahala, matapang na paglilingkod sa sambayanan, at pragmatikong idealismo sa loob ng isang demokratikong lipunan.


Una itong iginawad noong 1958 kina Chiang Mon Lin (Taiwan), Vinoba Bhave (India), Robert Dick (Britanya, naninirahan sa Filipinas), Mochtar Lubis (Indonesia), Mary Rutnam (Sri Lanka), at Operation Brotherhood (Filipinas).


Hindi isinasalang-alang ang lahi, paniniwala, at kasarian ng mga ginagawaran ng pagkilála. Mula 1958, mayroon nang mahigit-kumulang 300 katao at samahan mula sa mahigit 20 bansa ang nakatanggap ng Gawad Ramon Magsaysay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: