Sa lipunang ifugaw, ang hudhud ay isang mahabang salaysay na panula na karaniwang inaawit sa panahon ng tag-ani, o kapag maayos ang mga payyo o dinadamuhan ang mga palayan. Inaawit din ito kapag may lamay sa patay at ang yumao ay isang taong tinitingala dahil sa kanyang yaman o prestihiyo. kinakanta ang hudhud sa mga naturang okasyon bilang paglilibang o pampalipas-oras lamang. Hindi nakaugnay sa anumang ritwal ang pagkanta ng hudhud.


Karaniwang umiikot ang kuwento nito sa mga karanasan ng isang pambihirang nilalang, kadalasan ay si Aliguyon, na kabilang sa uring mariwasa o kadangyan. Ang diin ay nasa pagsuyo at pakikipag-isang dibdib niya sa isang babaeng mula rin sa uring kadangyan. Ang tema ng pag-ibig at kariwasaan ang nangingibabaw sa hudhud.


Tumatagal ng ilang oras o isang araw ang hudhud. Kinakanta ito ng isang grupo o koro, ang mun-abbuy, na pinangungunahan ng isang punong mang-aawit, ang munhaw-e. Ang mga linyang kinakanta ng munhaw-e ang nagdadala ang nagdadala ng salaysay. Mga babae ang umaawit ng hudhud. Kung minsan, panandaliang sumasali sa pagkanta ang ilang kalalakihan, ngunit ayon sa matatanda, hindi ito sumasang-ayon sa tradisyon.


Sinasalamin ng hudhud ang mga paniniwala’t kaugalian ng sinaunang lipunan ng mga ifugaw, at binibigyan paliwanag ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan. Matatagpuan sa hudhud ang paglalarawan sa mga konsepto na kinababatayan ng mga ugnayang pampamilya, at ng mga ugnayan ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng ili o nayon. Makikita rito ang paniniwala ng mga ifugaw tungkol sa mga diyos at espiritu, at kung paano sila dapat makipag-ugnayan sa mga ito. Mangyari pa, matatagpuan din sa hudhud ang pagtukoy sa iba’t ibang ritwal na mahigpit na bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga ifugaw.


Noong 2001, kinilala ng UNESCO ang hudhud bilang isa sa mga Masterpiece of the Oral and Intangible Heritage of Humanity.


Pinagmulan: Kermit Agbas


Mungkahing Basahin: