Bida
Malinaw na mula ito sa tradisyon ng panitikang Espanyol, lalo na noong tinatawag na vida o buhay ang mga mahabang salaysay.
Sa panitikan ng Filipinas, nilalagyan ng “buhay” sa pamagat ang mahahaba’t palikaw-likaw na tulang pasalaysay noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Batay ito sa paraan ng pagpapamagat ng vida sa mga kathang Espanyol noon at dulot din ng hangaring ipaturing na totoo at hango sa tunay na buhay ang salaysay sa mga awit at korido. Nang ipasok ang nobela nitong ika-20 siglo, marami rin sa mga nalathala ang may tatak na “buhay” sa pamagat. Sa ganitong pangyayari nalipat ang isina-Filipinong bída ng vida upang maging pantawag sa pangunahing tauhan.
Sa madla ng panitikang popular, ang bída ay kumakatawan sa tunay na buhay na hitik sa sigalot ngunit laging may pag-asa sa pagtatagumpay.
Ang bida ay nasusuong sa mabibigat na problema at mararahas na panganib ngunit inaasahang malalagpasan niyang lahat ito. Taglay din niya ang mga birtud at katangiang hinahanap ng taumbayan sa kanilang huwaran (bukod sa maganda o makisig,) malakas ang loob, mapagmahal sa kapuwa, matulungin, mahabagin, at nakahandang magtanggol laban sa kasamaan.
Kasalungat niya ang tinatawag namang kontrabida (contavida) na kinatawan naman ng lahat ng bisyo at mga ugaling kabaligtaran ng mga katangian ng bída.
Mula sa tradisyon ng panitikang relihiyoso, gaya ng pasyon at komedya, ang bida at kontrabida ay tunggalian ng kabutihan at kasamaan. Naging de-kahon ang naturang tunggalian, kaya isa sa sinikap igpawan ng panitikang makabago at realista nitong ika-20 siglo.
Sa modernong salaysay, malimit mangyari na ang bida ay may katangian ng kontrabida at malimit masadlak sa kasawiang hindi niya mapagtagumpayan.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Bida "