Sino si Aliguyon?


Si Aliguyon ang lalaking bayani sa Hudhud, ang epikong-bayan ng mga Ifugaw sa kabundukang Cordillera.


Sa salaysay, ipinanganak siya kina Amtulao at Dumulao, ang pinakamariwasang mag-asawa sa bayan ng Hannanga. Kahit musmos pa ay nagpakita na ng natatanging talino, liksi, at lakas si Aliguyon. Nang pitong gulang pa lamang siya ay sinasamahan na niya ang ama sa pangangaso.


Mahilig kuwentuhan si Aliguyon ng kaniyang ama, at laging nauuwi ang kuwento kay Pangaiwan, ang mortal na kalaban ni Amtulao sa bayan ng Daligdigan. Kailangang mapuksa si Pangaiwan bago pumanaw si Amtulao nang mapayapa. Kung kayâ’t nang nagbinata siya, nagtungo si Aliguyon, kasama ang kaniyang mga kaibigang lalaki, sa Daligdigan upang hamunin si Pangaiwan sa isang labanan.


Ngunit matanda na si Pangaiwan, at humalili sa kaniya sa laban ang anak na si Pumbakhayon, isang mandirigmang kasinlakas at kasintalas ni Aliguyon. Ngunit dahil hindi nakaaangat ang isa sa isa, at kahit ang kani-kaniyang kaibigan ay magkakasinlakas, tumagal ang labanan nang tatlong taon. Walang nagwagi o lubhang nasugatan.


Sa hulí, napagod na rin ang dalawang panig. Naibigan na rin ng mga taga Daligdigan sina Aliguyon dahil sa ipinamalas niláng katapangan at patas na pakikipaglaban, at ang mga taga-Hannanga naman ay naibigan ang mga mayuyuming binibini ng Daligdigan. Nagpasiya ang dalawang kampo na itigil ang hidwaan. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang.


Hindi nagtagal ay umibig si Aliguyon kay Bugan, ang babaeng anak ni Pangaiwan, at hiningi ang kamay nitó. Nang nag-isang-dibdib sina Aliguyon at Bugan, bumalik silá sa Hannanga upang ipaalam kay Amtulao na “pinaslang” na ni Aliguyon ang kaniyang katunggaling si Pangaiwan nang ginawa niya itong kaibigan. Mula noon ay namuhay nang masayá at mapayapa ang mga tauhan sa dalawang bayan.


Bilang isang natatanging tauhan sa panitikang Filipino, patuloy na nababanggit at muling nagagamit bilang karakter si Aliguyon sa mga kontemporaneong akda, tulad ng sa Huling Hudhud ng Sanlibong Pagbabalik at Paglimot para sa Filipinas Kong Mahal, isang makabagong epiko ng Pambansang Alagad ng Sining Rio Alma (Virgilio S. Almario).


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr