Si Bugan ay isang mahalagang babaeng tauhan sa iba’t ibang kuwentong bayan ng mga Ifugaw. Sa Hudhod hi Aliguyon, isang bahagi ng epikongbayan ng mga Ifugaw, si Bugan ay anak ni Pangaiwan ng Daligdigan, at kaaway ng ama ni Aliguyon. Nang magbinata si Aliguyon, hinarap niya sa digmaan ang anak ni Pangaiwan, si Pumbakhayon.


Tumagal nang tatlong taon ang digmaan, na nagwakas sa kasunduang pangkapayapaan ng dalawang pangkat na kapuwa humanga sa tapang at kakayahan ng isa’t isa. Nang makita ni Aliguyon si Bugan, na bata pa lamang noon, pinakasalan niya ito at iniuwi sa kaniyang bayan. Nang ganap nang dalaga si Bugan, at idaos ang pormal na kasal ng dalawa, dumalo si Pumbakhayon at noon nakilála ang nakababatang kapatid ni Aliguyon at pinakasalan naman ito.


Sa isa pa ring mito ng mga Ifugaw tungkol sa malaking baha na naging sanhi ng pagkalunod ng lahat ng tao, si Bugan ay kapatid ni Wigan. Sila lamang dalawa ang natirang buhay matapos ang malaking baha. Humingi sila ng pahintulot sa mga bathala na maging mag-asawa. Mula sa magkapatid, nagkaroong muli ng tao sa mundo.


Sa isa pa ring kuwentong bayan, si Bugan ay anak nina Hinumbian at Dakaue, ang pinakamataas na diyos ng kalangitan. Bumaba ng kalupaan si Bugan at nagkaibigan sila ni Kinggauan, na isang ordinaryong tao. Nagkaroon sila ng anak na lalaki, si Balituk.


Maligaya ang dalawa at masagana ang pamumuhay dahil na rin sa kapangyarihan ni Bugan. Ngunit maraming nainggit kay Bugan hanggang sa mapilitan itong bumalik sa dating tahanan sa kalangitan. Hinati niya ang kanilang anak. Ang kalahati ay isinama sa kalangitan at ginawang isang buong tao.


Ang kalahating naiwan kay Kinggauan ay nabulok at hanggang sa kalangitan ay lumaganap ang masangsang na amoy. Muling bumaba si Bugan at ang nabubulok na mga bahagi ng anak ay ginawang iba-ibang bagay na naghatid ng sakit sa mga tao. Ang ulo ay ginawang kuwago, at sinasabing dito nagsimula ang paggamit ng kuwago para mahulaan ang hinaharap, gayon din ang pag-aalay ng manok kay Bugan.


Ang tainga ay ipinukol sa gubat at tumubò sa mga punò at naging isang uri ng funggus. Ang ilong ay naging isang uri ng kabibe. Mula sa dila, gumawa si Bugan ng isang uri ng sakit na pamamagâ ng dila, na malulunasan sa pamamagitan ng pag-aalay ng itlog o manok kay Bugan.


Mula sa mga buto sa dibdib, gumawa si Bugan ng makamandag na ahas. Ang puso ay ginawa niyang bahaghari. Ang dugo ay naging maliliit na paniki. Ang buhok ay naging bulate at ang bituka ay naging malalaking hayop.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: