Isang sinaunang alamat sa Panay ang naniniwalang walang langit at lupa noong araw hanggang biglang lumitaw sina Tungkung Langit at Alunsína.


Niligawan ni Tungkung Langit si Alunsina, at nang magkaibigan ay nanirahan sila sa isang pook na maluwalhati. Doon sa ang tubig ay laging maligamgam at ang simoy ay laging malamig.


Ngunit masipag na bathala si Tungkung Langit at malimit na naglalakbay sa malayo sa pagsasaayos ng bagay-bagay sa santinakpan. Malimit sa gayong maiwang mag-isa si Alunsina at sa dulo’y naging panibughuin.


Isang araw na mag-away sila ay biglang nagpasiyang lumayas si Alunsina at hindi na nagbalik. Malumbay na naiwan si Tungkung Langit at naghintay. Nang hindi na makatiis ay hinanap niya ang asawa. Nabigo siya.


Dahil sa pangungulila, naisip ni Tungkung Langit na lumikha ng bagay-bagay. Una niyang nilikha ang lupa at dagat. Upang magkabuhay ang lupa, lumikha siya ng mga hayop at halaman.


Hindi pa rin niya malimot si Alunsina. Sa wakas, kinuha niya ang mga hiyas ng asawa at ikinalat sa langit sa pag-asa na mapansin ito ni Alunsina.


Ang mga butil ng kuwintas ang naging mga bituin, ang suklay ang naging buwan, at ang putong sa ulo ang naging araw. Hindi pa rin bumalik si Alunsina.


Ayon sa matatanda, kapag lubhang namamanglaw ay umiiyak si Tungkung Langit. Iyon ang bumabagsak na ulan. Kapag tumangis pa si Tungkung Langit, iyon ang kulog na umalingawngaw sa lahat ng dako upang marinig ni Alunsina.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: