Mapulong
Tulad ng Balatik, isa pang popular na konstelasyon o lawas ng mga bituin ang Mapulong.
May entri itong “mapólong” sa bokabularyong Noceda at Sanlucar (1754) at “mapólon” sa San Antonio (sirka 1624) at kapuwa nagbibigay ng pakahulugang “Las cabrillas”, ang tawag ng mga Espanyol sa konstelasyong Pleiades.
May ulat si Loarca (1582) na ibinabadya ng paglitaw ng Molopolo, tawag sa Panay sa Mapulong, ang panahong ulanin. Para kay F. Landa Jocano, hindi iyon Hunyo. Sa halip, nangangahulugan iyon ng buwan ng Enero para maihanda ang kaingin bago dumating ang tag-ulan.
Binanggit din ni Plasencia (1589) ang Mapulong katumbas ng siete cabrillas at sinabing tagabadya din ito ng panahon ng pagtatanim. May panukala si Scott na Moroporo ang gamiting katutubong tawag sa Pleiades, alinsunod sa tawag sa Bikol, dahil kahawig ito ng Molopolo sa Panay at sa Bukidnon, Murupuru sa mga Antikenyo at Tagbanwa, Mulupulu sa mga Arumanen Manobo ng Cotabato, at Manapuru sa mga Palawanon ng Palawan.
Ang “mapulong” ay mahihiwatigang naglalarawan sa malaking bilang ng mga bituin na bumubuo sa Pleiades. Tila nga naman mga tao ito na nagtitipon upang mag-usap.
Sa mga Palawanon, nangangahulugan ang tawag nilá na tumpok ng mga kamote. Ang bagong tawag dito ng mga Tagalog ay Súpot ni Hudas at mahahalata ang impluwensiyang Kristiyano hinggil sa naganap na pagtataksil ni Hudas kay Hesukristo kapalit ng pabuyang 30 pirasong pilak.
Bakit kayâ hindi pinalaganap ng mga Espanyol ang kanilang tawag na “pitong munting kambing”? Marahil, dahil mas angkop ang kayamanang nilalaman ng lukbutan ni Hudas para sa natatanaw niláng dami ng bituin sa Mapulong kaysa pipitó lámang na kambing?
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Mapulong "