Ang Bulubunduking Cordillera (Kor·dil·yé·ra), tinatawag ding Cordillera Central o Gran Cordillera, ang pinakamataas at pinakamalawak na kabundukan sa Filipinas. Matatagpuan sa gitnang hilagang bahagi ng Luzon, may lawak itong 18,300 kilometro kuwadrado at sinasakop ang 1/6 ng buong isla.


Naghahari ang kabundukan sa kasalukuyang Cordillera Administrative Region (CAR) na binubuo ng anim na lalawigan (Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province) at isang chartered city (Lungsod Baguio).


Nagkikita ang Cordillera at Bulubunduking Sierra Madre sa Bulubunduking Caraballo. Higit isang milyong katao ang naninirahan sa rehiyon. Ilan sa mga pangkat etnolingguwistiko na matatagpuan dito ay ang mga Bontok, Ibaloy, Ifugaw, Isneg, Kalinga, Kankanaey, at Tinggian.


Tinatawag ang mga pangkat na ito sa kabuuan bilang ”Igorot,” ngunit nitong mga nakaraang taon ay ginagamit na rin ang pa-Ingles na terminong ”Cordilleran.” Kinikilala ang mga Cordilleran bilang mga katutubong pangkatin sang-ayon sa batas. Bukod sa kani-kanilang wika, laganap din ang paggamit sa Iloko, Filipino, at Ingles.


Nagsisimula ang ilan sa mga pangunahing ilog ng hilagang Luzon sa Cordillera, tulad ng Ilog Agno at Ilog Chico, at matatagpuan dito ang mga pangunahing dike na nagtutustos ng koryente, malinis na tubig, at irigasyon.


Lumalagpas ng 2000 metro ang taas ng mga bundok ng Cordillera. Hitik ito sa likas na yaman na tulad ng ginto at iba pang mahahalagang mineral. Mahigit-kumulang 80 porsiyento ng gintong namimina sa bansa ay mula sa Cordillera.


Hindi napasok ng mga Espanyol ang Cordillera sa panahon ng pananakop. Ang mga Amerikano ang unang dayuhang bansa na makakubkob sa rehiyon.


Sa kasalukuyan, tanyag ang Cordillera sa mga turistang mula sa mababang bahagi ng bansa dahil na rin sa malamig nitong klima at natatangi nitong kultura. Malimit ay hindi nawawala ang mga punong pino sa tanawin. Ilan sa palagiang dinadalaw ay ang mga payaw/payyo ng Banawe (kilala sa Ingles na pangalang ”rice terraces”), ang ”Summer Capital” na Lungsod Baguio, ang mga nakabiting ataul sa Sagada, at mga bundok tulad ng Bundok Pulag at Bundok Data.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr