Isang munting munisipalidad ang Banaue (Ba·ná·we) sa probinsiya ng Ifugao at bantog dahil sa payyo na kasama sa UNESCO World Heritage Sites.


May lawak na 191.20 kilometro kuwadrado, ang Banaue ay may 18 na barangay at may densidad ng populasyon na 110 bawat kilometro kuwadrado.


Pook ito ng pangkating Ifugaw na may ipinagmamalaking tradisyon sa paghabi ng tela, paglala ng basket, at paglilok.


Ang mga produkto ng nabanggit na tradisyonal na sining ay isang mahalagang industriya ngayon at bahagi ng mga pang-akit sa mga turista. Mabibili ito sa mga tindahan sa palengke at paligid ng poblasyon ng Banaue. Nakatanghal din ang mga ito sa Tam-an, isang itinatag na huwarang nayong Ifugaw.


Bukod sa mga payyo, ipinagmamalaki din ng Banaue ang swimming pool ng Guihob at talon sa Tappiya. Ang Guihob ay mga apat na kilometro mulang poblasyon.


Kailangang lumukso-lukso sa malalaking tipak ng bato bago marating ang malinaw, malamig, at natural na paliguan. Ang Tappiya ay 30 minutong lakbayin mulang nayon ng Batad. May bumubulwak itong talon at isang malaking natural na paliguan sa ibaba.


Ang bantog na Banaue Rice Terraces ay ang payyo katabi ng poblasyon. Ito ang nakapahiyas sa mga poster at postkard na panturista.


Gayunman, isa pang maganda at higit na naaalagaang payyo ay matatagpuan sa nayon ng Batad. May 12 kilometro ito mulang poblasyon at ipinagmamalaki ang bukiring tila ampiteatro ang pagkakaukit sa mga bundok.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: